Alamin ang naging buhay ng StarStruck alumnus at dating aktor na si Rainier Castillo matapos itong huminto sa pag-arte

Marami sa mga sikat at hinahangaang artista noon ang masaya na sa kani-kanilang buhay ngayon, malayo sa maingay at makinang na mundo ng showbiz.

Credit: @itsraniercastillo Instagram

Mas pinili nga nilang lumagay sa tahimik matapos makapag-asawa ng non-showbiz. Isa rito ang StarStruck alumnus na si Rainier Castillo na pinahanga ang marami noon dahil sa kanyang husay sa pag-arte na ipinamalas naman niya sa maraming teleserye at pelikulang kanyang pinagbidahan.

Pero nasaan na nga ba si Rainier at ano ang kanyang naging buhay pagkatapos niyang lisanin ang showbiz?

Taong 2004 matatandaang sumali si Rainier sa unang season ng nasabing Kapuso reality show kung saan nakasabayan niya ang mga Kapuso star na sina Jennylyn Mercado, Mark Herras at ang dati niyang ka-love team na si Yasmien Kurdi.

Credit: @itsraniercastillo Instagram

Kung ang kanyang mga StarStruck batchmate ay aktibo pa rin sa showbiz hanggang ngayon, nagdesisyon naman si Rainier na tumigil na sa pag-aartista at mag-lie low sa showbiz.

Sa pamamagitan naman ng kanyang socmed masisilip natin ang simple ngunit masayang buhay ngayon ni Rainier kapiling ang kanyang munting pamilya.

Ang dating nagpapatibok nga noon sa puso ng maraming babae dahil sa kanyang charming smile ay isa na ngayong padre de pamilya. Pinakasalan ni Rainier ang kanyang matagal nang nobya na si Diane Quizon. Makikita rin sa mga larawan na ibinabahagi ni Rainier na isa na siyang ganap na ama sa napaka-cute na panganay nila ni Diane na si Stellar Quinn.

Credit: @itsraniercastillo Instagram

Mula naman sa pagiging aktor ay tinahak ni Rainier ang mundo ng pagnenegosyo kung saan pagkatapos niyang tumigil sa showbiz ay nagtayo siya ng gym business sa Quezon City kung saan kasosyo niya ang kanyang mga kaibigan, kabilang dito ang kanyang batchmate na si Mark Herras.

Samantala, kahit tumigil si Rainier sa paggawa ng mga acting project, hindi naman niya tuluyang nilisan ang showbiz dahil hanggang ngayon ay napapanood pa rin siya ng kanyang fans sa kanyang mga TV guesting.

Tulad na lamang nang mag-guest siya sa segment ng Eat Bulaga na “Bawal Judgmental” noong June 2020 kung saan ibinunyag niya ang tunay na dahilan kung bakit mas pinili niyang tahakin ang ibang landas kaysa ipagpatuloy ang kanyang showbiz career.

Credit: @itsraniercastillo Instagram

Ayon kay Rainier, dumating sa puntong nakakapagod na ang kanyang trabaho at hindi niya nakakasama ang kanyang pamilya sa mga mahahalagang okasyon kaya naman nagdesisyon na lamang siyang tumigil sa pag-aartista at magnegosyo.

Maaalalang naging makinang ang karera ni Rainier sa showbiz matapos siyang hiranging ‘First Prince’ ng StarStruck. Kaliwa’t kanang proyekto ang dumating sa kanya na naging hudyat upang siya ay makilala bilang isang mahusay na aktor sa industriya.

Ilan lamang sa mga hindi malilimutang palabas na pinagbidahan ni Rainier na talagang tumatak sa puso ng maraming manonood ay “Bakekang”, “Majika”, “Mulawin” at “Kamandag”.