Walang mapagsidlan ang kasiyahan ngayon ni Andi Eigenmann dahil sa wakas ay kumpleto na ang kanyang pamilya. Matapos kasi ang anim na buwan ay nakasama na muli ni Andi ang kanyang partner na si Philmar Alipayo.

Matagal din na nagkahiwalay sina Andi at Philmar. Habang nasa Maynila kasi si Andi kasama ang kanyang dalawang anak na sina Ellie at Lilo ay nasa Siargao si Philmar at inaasikaso ang ipinapagawa nilang bahay sa isla at ang kanilang negosyo.
Ngayong araw, November 19, in-upload ni Andi sa kanilang family YouTube channel na “Happy Islanders” ang reunion vlog nilang magpamilya. Sa vlog, ikwenento ni Andi kung gaano sila kasaya ng kanyang mga anak sa pag-uwi ni Philmar.

Ayon pa kay Andi, isang araw at kalahati pa lamang daw mula nang dumating si Philmar ay kakaiba na raw ang enerhiya na mararamdaman sa loob ng kanilang tahanan.
Ani Andi sa simula ng vlog, “It’s us again and of course we’re still home but we have extra energy. I don’t know if you can see from our smiles because [drum rolls] Philmar is here! We’re finally complete!”
Sa buong vlog ay hindi naman maitago ni Andi ang kanyang kasiyahan na makikita sa tamis ng kanyang mga ngiti at halakhak.

Maging si Philmar ay halatang masayang-masaya na muling makasama ang kanyang pamilya. Aniya sa vlog, “Hi, I’m back! We’re together and [we’re] complete finally!”
Mapapanood sa vlog ang buong araw na pagbo-bonding nin Philmar, Lilo at Ellie. Umaapaw din ang kakulitan ni Lilo kasama ang kanyang Papa Philmar. Naglaro sa playground, sumayaw at nag-drawing nang magkasama sina Philmar, Lilo at Ellie.

Dahil buntis, nasa likod lamang ng camera si Andi at tinitingnan kung gaano kasaya ang kanyang mag-ama. Sa katunayan, habang naglalaro sa playground ang kanyang mag-ama ay maririnig naman si Andi na tawa nang tawa sa background.
Sa isang bahagi ng vlog, mapapanood si Philmar na naghuhugas ng mga plato. Kwento pa ni Andi na masaya siya dahil umano may hahalili na sa kanya sa paghuhugas.

Ibinunyag din ni Andi na isa sa mga positibong resulta ng paghihiwalay nila ni Philmar ay natuto umano siya ng mga gawaing bagay.

Ani Andi, “One of the good things that came out of us magkahiwalay kami for six months. Wala si Papa and siya lagi ‘yung gumagawa ng lahat. So, because naghiwalay kami ako lang ang andito…I learned! Yehey!”

Ibinahagi rin ni Andi na pagkatapos niyang maipanganak ang bunso nila ni Philmar ay babalik na umano sila sa isla.

Sa huli saad ni Andi, “Now we’re all together and since Papa’s here we can enjoy the rest of our pregnancy together and welcome our new happy islander!”