Andrea Brillantes, namangha nang makita ang kanyang bagong renovate na kwarto!

Swak sa personalidad ng Kapamilya actress at internet star na si Andrea Brillantes ang bagong disenyo ng kanyang kwarto.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Sa “the reveal” vlog episode ng Mundo Design and Build, ang gumawa ng bagong renovate na kwarto ni Andrea, ipinasilip nila ang resulta ng kanilang renovation at maging ang reaksyon ni Andrea nang makita na niya ito.

Larawan sa mukha ni Andrea ang kilig at abot-langit na kasiyahan nang makita na niya ang bagong disenyo ng kanyang kwarto na talaga namang swak sa kanyang style at personality.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Sa pagpasok ni Andrea sa kanyang kwarto, sumalubong sa kanya ang isang napaka-makulay na kwarto na retro-inspired ang kabuuang disenyo.

Hindi mapigilan ni Andrea na mapatili nang makita na niya ang bawat bahagi ng kanyang silid tulad ng kanyang snack bar kung saan makikita ang kanyang mini refrigerator, popcorn maker, cotton candy maker at coffee machine.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Maliban sa kanyang snack bar, sinabi ni Andrea na isa sa mga pinakapaborito niyang bahagi ng kanyang kwarto ay ang kanyang computer area na talaga namang napakasarap tambayan. Habang sa taas lamang ng kanyang sariling “mancave” ay ang kanyang cozy loft bed na pinili niyang hindi palitan.

Samantala, hindi mawawala sa bawat retro-inspired na kwarto ang lumang vinyl records, mga lumang coca-cola tansan, movie posters at neon lights signages na ipinalagay din ni Andrea sa kanyang kwarto.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Dahil sa laki at lawak ng kwarto ni Andrea, pwede ka nang hindi lumabas dahil mayroon na itong sariling kusina, dining area, entertainment at lounge area.

Masayang-masaya naman si Andrea nang makita niyang maayos na nakalagay sa isang lugar ang kanyang drum set.

Pagkatapos ng kanilang room-tour, ibinahagi ni Andrea na labis niyang nagustuhan ang bagong disenyo ng kanyang kwarto.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

“Gustong-gusto ko talaga siya genuinely as in at home ako. Kasi parang akong-ako siya,” pag-amin ni Andrea.

Giit pa ni Andrea, hindi siya isang “minimalist” na tao kaya naman tuwang-tuwa siyang makita sa kanyang kwarto ang napakaraming gamit at bagay.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Aniya, “Kasi sinasabi ko lagi gusto kong madaming gamit, madaming bagay kasi mabilis akong magsawa. ‘Yung kwarto ko it’s not for everybody talaga. Kasi lalo na ngayon ang dami nang minimalist. Pero hindi kasi ako talaga ‘yun. Tinry ko pero hindi.”

“Ito talaga parang sakto para sa akin and natuwa ako kasi meron akong sala, meron akong dining, meron akong kitchen,” dagdag pa niya.

Credit: Mundo Design + Build YouTube

Maaalalang noong nakaraang January lamang natapos ang bahay ni Andrea na aniya ay inabot din ng 10 taon bago niya naipatayo.

Sa kasalukuyan, abala si Andrea sa paggawa ng social media content at maging sa kanyang kinabibilangang teleserye sa Kapamilya channel na “Huwag Kang Magamba.”