Masaya ang pagtatapos ng taon ng mag-asawang Miriam Quiambao at Ardy Roberto. Ito ay dahil sa magandang balita na kanilang natanggap bago magtapos ang taon. Magtatapos ang 2020 nina Miriam at Ardy na masaya dahil kumpirmadong buntis ang dating beauty queen sa kanilang ikalawang anak.

Ibinahagi ng mag-asawa ang masayang balita sa isang vlog na inupload nila isang araw bago ang bisperas ng bagong taon.
Sa vlog, tuwang-tuwang ibinahagi ni Miriam sa lahat na siya ay “positively pregnant”. Ayon kay Miriam, nalaman nilang buntis siya bago pa ang Pasko.

“Thank God kasi meron siyang naging surprise for us before Christmas actually. And we are now so excited to share with you the great news that…I’m POSITIVE! Not with v!rus, but I am POSITIVELY PREGNANT!,” ani Miriam sa vlog.
Dagdag ni Miriam, “Today, as of this recording (December 26), I am eight weeks and six days pregnant.”

Sabi pa ni Miriam, isang sorpresa raw umano ang kanyang pagbubuntis. Hindi umano nila inaasahan ang kanyang pagbubuntis ngunit ipinagdasal daw nila ito ng kanyang asawa.
Para kay Miriam, na ngayon ay 45 taong gulang na, itinuturing din niyang isang “miracle” ang kanyang pagbubuntis.

Lahad niya, “Another miracle ito. Imagine, 45 years old na ako, 1 to 2% chances again of getting pregnant. Tapos ito wala pang mga workups, spontaneous pregnancy siya.”
Ibinunyag din ng beauty queen na may pakiramdam na umano siyang mabubuntis siya ngayong taon.
Kwento ni Miriam, “I realized that God does not forget His promises. Some time in the middle of this year, or mga second quarter of this year, parang na-sense ko si God na sinasabihan ako na mabubuntis ako ng November.”

Habang para kay Ardy, na nagtatrabaho bilang isang manunulat at inspirational speaker, gusto nilang ibahagi sa lahat ang magandang balita “to encourage everybody” na huwag mawalan ng pag-asa sapagkat walang imposible sa Diyos.
Ani Ardy, “We just want to encourage everybody who’s down and out or just low on hope this 2020 not to give up hope. And whatever your dreams, whatever you’re praying for, there’s nothing really impossible with God.”

Samantala, sinabi nina Miriam at Ardy na malalaman pa nila ang kasarian ng kanilang baby sa susunod na linggo.

Anim na taon nang mag-asawa sina Miriam at Ardy. Ipinanganak naman ni Miriam ang unang anak nila ni Ardy na si Elijah noong February 16, 2019. Ang itinuturing naman nilang panganay na anak na si Joshua ay adopted son ni Ardy sa kanyang first marriage.