Archie Alemania at asawang si Gee Canlas, pinahalakhak ang netizens sa kanilang live selling video

Kinaaliwan kamakailan ng maraming netizens ang pagla-live selling ng comedian-actor na si Archie Alemania. Sa halip kasi na mga damit ang ibenta ay pabirong ipinagbili ni Archie sa kanyang mga viewer ang kanyang asawa na si Gee Canlas.

Credit: Gee TV Facebook

Sa live selling video ng mag-asawa ay mapapanood si Archie na hinihintay na dumami ang kanilang viewers bago simulan ang pagbebenta.

“Pataasin muna natin yung viewers natin bago tayo mag-live selling,” simula ni Archie sa kanilang live selling.

Ngunit sa umpisa pa lamang ng kanilang live ay halos hindi na maipinta ang mukha ni Gee at mariin nga niyang kinontra ang paraan ng pagbebenta ni Archie.

“Hindi ‘yan tataas kasi hindi ka marunong mag-host. ‘Di ka marunong mag-host. Ayan na nga! Simple-simpleng live selling na nga lang hindi mo pa magawa,” saad pa ni Gee sa kanyang asawa.

Credit: Gee TV Facebook

Sa kabila naman ng pangongontra ni Gee sa kanya ay ipinagpatuloy pa rin ni Archie ang pagpapakita ng kanilang mga ibenebentang damit.

Kaya lamang tila hindi talaga gusto ni Gee ang paraan ng pagla-live selling ni Archie kaya muli niya itong pinagsabihan.

“Sabihin mo ‘yung brand! Nakikita naman nila na jacket, na polo shirt!” pangaral pa ni Gee kay Archie.

Credit: Gee TV Facebook

Makikitang sinunod naman ng comedian-actor ang sinabi ng kanyang asawa ngunit parang hindi pa rin sapat rito ang paraan ng kanyang pagbebenta. Kaya naman muling nakatanggap ng singhal si Archie mula sa kanyang asawa.

Sabi pa ni Gee, “Puwede ba gandahan mo ‘yung boses mo sa pagsasalita?! Mag-smile ka naman!”

Tila naubos na ang pasensya ni Archie sa kanyang asawa dahil sa sunod-sunod na pangaral nito tungkol sa kung paano siya dapat magbenta. Kaya naman hindi na siya nakatiis at ang asawa na mismo ang kanyang ibenenta sa kanyang viewers.

“Ako nabubw3sit na sa ‘yo ha!” saad ni Archie kay Gee.

Credit: Gee TV Facebook

“O, kayo diyan! Kung sino may gusto sa inyo, i-mine n’yo na! Live selling ‘to,” pabirong saad ni Archie sa viewers ng kanilang live selling.

Dagdag niya, “Sa inyo na ‘tong asawa ko, napakamabunganga nito! Pwedeng-pwede sa inyo…Ayun, sakto may nag-mine! I-screenshot mo na…Sa ‘yo na! I-send mo na kaagad yung details ipapadala ko na yung asawa ko ngayon na!”

Credit: Gee TV Facebook

Sa huli, umani ng maraming tawa mula sa netizens ang pagbebenta ni Archie kay Gee. Maraming netizens ang naki-‘mine’. Relate na relate rin ang mga mister sa pinagdadaanan ni Archie dahil sa pagiging mabunganga ng kanyang asawang si Gee.

Sa ngayon, pumalo na sa halos 7 million ang “live selling gone wrong” video ng celebrity couple.