Ayon kay Raffy Tulfo, binibigay niya sa mga nangangailangan ang malaking bahagi ng kinikita niya sa kanyang YouTube channel

Kilala si Raffy Tulfo ng lahat bilang isang broadcast journalist na walang takot na pinupuna ang mga taong umaapi sa kanyang kapwa. Binansagan siya ng mga Pinoy bilang ‘champion of the poor’ at ‘Mr. Action Man’ dahil sa kanyang mga programa sa radyo at telebisyon na umaaksyon sa mga problema ng ordinaryong tao.

Credit: @raffytulfoinaction Instagram    

Ngunit hindi lang namamayagpag sa radyo at telebisyon si Raffy kung hindi pati na rin sa social media bilang isang vlogger. Sa ngayon, itinuturing na nangunguna sa ranking ng may pinakamaraming subscriber ang YouTube channel ni Raffy na “Raffy Tulfo in Action”. Sa ngayon, ay pumalo na sa mahigit 15 million subscriber ang tumututok sa YouTube channel ni Raffy.

Sa dami ng kanyang subcriber at sa mga nanunuod sa kanyang mga video ay inilathala ng iba’t ibang news website na tinatayang kumikita si Raffy ng mahigit 2 bilyon piso mula sa kanyang mga video na ibinabahagi sa YouTube.

Credit: @raffytulfoinaction Instagram

Sa laki ng kanyang kita, saan nga ba ito ginagastos ni Raffy?

Ayon sa panayam ng PUSH sa sikat na vlogger-journalist, malaking bahagi umano ng kanyang kinikita sa YouTube ay ginagamit niya para tulungan ang mga mahihirap nating kababayan.

Credit: @raffytulfoinaction Instagram

Kwento ni Raffy, “Malaking portion po no’n ay pinantutulong natin sa mga kababayan natin. So, may pinupuntahan naman po, para do’n sa mga nangangailangan.”

Dagdag ni Raffy, “And then of course, meron ding parte do’n na nagagamit ko. I’ll be lying pag sasabihin kong lahat napupunta one hundred percent do’n sa tulong. Meron din pong napupunta sa akin, sa pangangailangan ko, sa pamilya po.Pero a big part of that money goes to helping the poor lalo na.”

Credit: @raffytulfoinaction Instagram

Hindi na rin umano binibigyan ng pera ni Raffy ang kanyang mga kapatid na sina Erwin, Ben at Ramon Tulfo sa kadahilanang mayaman na raw ang mga ito.

Ani Raffy, “Mayaman [na] sila, hindi ko na kailangang bigyan. Yung nanay ko na lang tinutulungan ko, pero yung mga kapatid ko may mga pera sila, so hindi na nila kailangan ang mga tulong ko. Baka mainsulto pa sila pag binigyan ko sila ng pera.”

Credit: @raffytulfoinaction Instagram

Binigyang diin din ni Raffy ang kahalagahan ng kredibilidad sa pagiging matagumpay niya sa YouTube. Aminado si Raffy na kaya pumatok sa lahat ang kanyang YouTube channel dahil sa paglipas ng panahon ay napatunayan umano nila na hindi lamang pakitang tao ang kanilang pagseserbisyo sa publiko.

Aniya, “Credibility is very important. Kaya ako nagkaroon ng maraming subscribers because through the years, I was able to establish my credibility to them, na kapag ako’y nagbibigay ng serbisyo publiko, eh, I really mean it and I’m very sincere in helping them, na hindi yung pakitang tao lamang.”

Credit: @raffytulfoinaction Instagram

Samantala, araw-araw na napapanood si Raffy sa noontime newscast ng TV5 network na ‘Aksyon sa Tanghali’.