Hindi napigilan ng aktres na si Dimples Romana ang kanyang mga luha matapos makita ang dalawang taong malapit sa kanyang puso, sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz, sa kanyang kaarawan.

Ang muling pagkikita nina Dimples at ang popular na tambalang Popoy at Basha (na ginampanan nina John Lloyd at Bea) sa pelikulang “One More Chance” ay plinano ng asawa ng aktres na si Boyet Ahmee.

Kinuntsaba ni Boyet sina Bea at John Lloyd para surpresahin ang kanyang asawa sa ika-36 na taong kaarawan nito.

Noong November pa ang kaarawan ni Dimples ngunit nitong December 19 lamang inupload ni Boyet sa kanyang YouTube channel ang video ng pagsu-surpresa niya sa kanyang asawa.
Sa video, ikwenento ng “Kadenang Ginto” actress na noong umpisa ay naisip lamang niya na unang beses siyang isasakay ni Boyet sa motor nito.

“Gumising ako, sa buong pag-aakala ko, first time ako ira-ride ng asawa ko sa motor niya,” kwento ni Dimples sa video.
Hindi niya naman lubos akalain na may mas malaking surpresa pa pala na inihanda si Boyet para sa kanya.
Bago magpakita sina Bea at John Lloyd, ay mapapanood muna sina Dimples at Boyet na nagde-‘date’.
Sa kanilang date ay naging emosyonal si Dimples lalo na nang basahin ng kanyang asawa ang sulat na isinulat nito para sa kanya.

Simula ni Boyet, “Dearest mahal na Reyna, what I really want to tell you my love is thank you. You are the reason why we are in a good place right now. You know it was not easy at first, but we got through it successfully.”
Dagdag niya, “17 years was not a stroll in the park when we started. But with all the happy as well as not so good memories, it made us stronger…and may this journey run smoothly.”
Matapos ang kanilang sweet at nakakaiyak na moment na mag-asawa, muli na namang naluha si Dimples nang magpakita mula sa kanyang likuran sina Bea at John Lloyd.

“Napaka-special ko naman. Hindi ako makapaniwala. Para akong nananaginip. Sobrang saya ko na nakita ko kayo,” naluluhang saad ni Dimples.

“Ganu’n talaga. Moment mo ‘to mars!,” tugon naman ni Bea.
Kitang-kita ang labis na kagalakan sa mukha ni Dimples matapos niyang makita sina Bea at John Lloyd.

Ani Dimples, “Ang sarap pala ‘no kapag people give you time and literal parang iniisip ko kanina, ‘Lord, ano ba ‘tong nangyayari kasi parang one surprise after the other.”

Natuwa naman si Boyet dahil naging matagumpay ang surpresa niya para kay Dimples.
Aniya, “Well, natuwa ako. Ngayon ko lang siya talaga nagawan ng ganito kalaking surprise.”

Naging malapit si Dimples kina Bea at John Lloyd nang makatrabaho niya ang mga ito sa pelikulang “One More Chance” at “A Second Chance”.