Isa si Kapamilya actress Bea Alonzo sa mga naging usap-usapan sa social media noong nakaraang taon dahil sa isyung pang-go-ghost umano sa kanya ng dating kasintahang si Gerald Anderson.

Matatandaang July 26, 2019 nang inamin ni Bea sa isang video na ibinahagi ng “Tonight With Boy Abunda” official Facebook page na hindi naging maayos ang kanilang paghihiwalay ni Gerald. Ayon kay Bea, hindi naman daw sila naghiwalay ni Gerald sadyang tumigil lang umano ang aktor na kausapin siya.

Ani pa ni Bea noon, “Honestly, to my understanding, we did not break up. He just started not talking to me.”

Binasag naman ni Gerald ang kanyang katahimikan tungkol sa kanilang hiwalayan August 5, 2019. Sa interview ni ABS-CBN news correspondent Ganiel Krishnan kay Gerald, sinabi nitong walang third party na sangkot sa kanilang paghihiwalay.

Ani Gerald, “Walang ibang taong naging dahilan ng breakup. Para sa akin, it [has] always been our personal issues…”

Samantala, higit isang taon pagkatapos ng kanyang huling relasyon, inamin ni Bea na nasa maayos na estado na ang kanyang puso ngayon.

Sa panibagong vlog ni Bea nitong October 10, ay sinagot niya ang ilang katanungan ng kanyang fans patungkol sa kanyang love life at career.

Isang fan ang nagtanong kay Bea kung kumusta na ang lagay ng kanyang puso ngayon. Sagot ng aktres, “Okay naman siya. Nag-e-entertain siya. Nagde-date siya. Open siya maging masaya.”
Natanong din ng isang fan si Bea kung ano ang mga leksyon na natutunan niya mula sa kanyang last relationship. Ayon sa aktres, natutunan umano niya na mas malakas at mas matatag siya kaysa sa iniisip niya.

Aniya, “That I am stronger than I think. That I am resilient. That I can survive anything in life and that I am worthy.”
Sa usapin ng kanyang karera bilang isang artista ay ibinahagi ni Bea na gusto niyang makatambal sa isang proyekto si Kapuso actor Alden Richards.
Saad ni Bea, “Ah, sana wish ko rin. He’s such a nice person I’ve worked with him. Sobrang bait… So, I had the best time with him. I think he’s a very good actor.”

Gusto rin umanong makatrabaho ulit ni Bea si Kapamilya actor Ian Veneracion na naging leading man niya sa Kapamilya teleserye na “A Love To Last” noong 2017.
Ani Bea, “Ah, sana. He’s one of my leading men…For some reasons, parang kayo. May koneksyon talaga kayo. I was very lucky that he was like that because it makes my work a lot easier.”

Sa vlog, inilarawan din ni Bea ang lalaking susunod niyang mamahalin. Paglalarawan ni Bea sa kanyang next love interest, “A guy whose madly in love with me.”
Sa panahong isinusulat ito ay mayroon ng mahigit 500K subscribers si Bea sa YouTube.