Betong Sumaya, naluha sa pagpakyaw ni Alden Richards sa kanyang paninda nang mag-online live selling siya

Naantig ang komedyanteng si Betong Sumaya sa kabaitan ni ‘Asia’s Multimedia Star’ Alden Richards matapos nitong pakyawin ang kanyang mga paninda sa kanyang nakaraang online live selling.

Credit: Alberto S. Sumaya Jr. Facebook

Kamakailan lamang ay nag-live selling si Betong sa kanyang Facebook account kung saan ay ibenebenta niya ang kanyang mga pagmamay-aring gamit tulad ng mga damit, caps at mga laruan.

Habang abala naman si Betong sa pagbebenta ay biglang may nagkomentong isang RJ Richards sa kanyang live.

Nagtanong ito kung magkano ba raw lahat ng ibinebenta ni Betong. Aniya pa ng nasabing FB user, “Magkano lahat ng ibebenta mo diyan bets?”

Kitang-kita naman ang gulat sa mukha ni Betong nang mabasa ang nasabing komento. Noong una ay tinanong pa ni Betong kung si Alden ba ang nasabing FB user. Halos hindi makapaniwala si Betong lalo pa’t hindi naman daw sila magkaibigan ni Alden sa Facebook.

Credit: Alberto S. Sumaya Jr. Facebook

“Ha? Alden ikaw ba ‘yan? Si RJ Richards hindi ko alam kung si Alden ‘to,” gulantang na tanong ni Betong.

Inakala pa nga ni Betong na isang bogus buyer o nanloloko lamang ang FB user kaya naman nagawa pa niyang magbiro at sinabing nagkakahalaga ng P100,000 ang lahat ng kanyang mga paninda.

Nang makumpirma nga ni Betong na ang Kapuso actor ang nagkomento ay tuluyan na siyang napaluha. Kinumpirma umano ng handler ni Alden na ang kanyang alaga nga ang nasa likod ng pangalang ‘RJ Richards’.

Credit: Alberto S. Sumaya Jr. Facebook

Taos-puso naman na nagpasalamat si Betong kay Alden dahil sa kabaitan nito na isa sa mga itinuturing niyang tunay na kaibigan sa industriya.

“Oh my goodness, Alden napaiyak mo naman ako. Ano ba yan Alden pinaiyak mo naman ako dito. Thank you,” maluha-luhang mensahe ni Betong sa aktor.

Base sa naging panayam ng 24 Oras kay Betong, ikwenento niyang nagkakahalaga ng P50,000 ang lahat ng mga binili ni Alden mula sa kanyang online live selling.

Iginiit pa ni Betong sa nasabing panayam na napakabait raw talagang kaibigan ni Alden sa likod man o harap ng kamera.

Lingid naman sa kaalaman ng karamihan, Richard Reyes Faulkerson Jr. ang tunay na pangalan ni Alden at tinatawag nga siya ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan na ”RJ.”

Credit: Alberto S. Sumaya Jr. Facebook

Sa ngayon ay abala si Alden sa taping sa para sa Kapuso teleserye na kanyang pinagbibidahan na “The World Between Us” kung saan katambal niya ang premyadong aktres na si Jasmine Curtis-Smith.