Masayang ibinalita ng dating aktres na si Bettinna Carlos na nakatakda na silang ikasal ng kanyang non-showbiz boyfriend na si Mikki Eduardo.

Nitong October 7, ay nag-post sa Instagram si Bettinna ng isang larawan kasama ang kanyang anak na si Gummy at ang kanyang fiancé.

Kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ni Bettinna dahil sa wakas ay magiging isang pamilya na sila ni Mikki.

Sa larawan, makikita si Betina na malawak ang ngiti yakap si Mikki at Gummy. Kumikinang ang engagement ring na suot ni Bettinna. Caption ni Bettinna sa IG post ang emojis na “family”, “heart” at “prayer hand”.

Sa caption ay tila ipinapahiwatig ni Bettinna na nasagot na ang kanyang dasal na maging isang pamilya na sila ni Mikki.

Sa Instagram ni Mikki, proud niyang ipinost ang litrato ni Bettinna suot ang kanyang engagement ring. Simpleng heart emoji lang ang ginamit na caption ni Mikki sa litrato.

Saksi ang malalapit na pamilya at kaibigan nina Bettinna at Mikki sa naganap na wedding proposal.
Nag-post din ang anak ni Bettinna na si Gummy sa kanyang Instagram account ng kamay ng kanyang mommy suot ang kanyang engagement ring.
Sa caption ng IG post ni Gummy, tuluyan niyang kinumpirma ang na magpapakasal na ang kanyang mommy Bettinna. Ani Gummy sa caption ng IG post, “My mommy is engaged woohooo”
Sa Instagram story ng kapatid ni Mikki na si Anj Eduardo, ay mapapanood ang romantic proposal ni Mikki. Napaka-romantic ng inihandang set up ni Mikki sa sala ng isang bahay. Makikita ang maraming rose petal at christmas lights.

Sa IG story, ay makikita sina Bettinna at Mikki na nagyayakapan habang maririnig sa background ang kantang “I Will Be Here” na tinutugtog ng isang gitarista.
Sumali rin sa pagyayakapan ng magkasintahan si Gummy. Ang sunod na pangyayari ay talaga namang nagpakilig kay Bettinna.

Nang lumuhod na si Mikki ay nagbigay ito ng maikling speech bago tanungin si Bettinna.
Ani Mikki, “I love you. I want to spend the rest of my life with you.”
Hindi rin nakalimutan ni Mikki si Gummy. Mensahe ni Mikki sa anak ng aktres, “And Gummy, I love you both.”

Pagkatapos ay binitawan na ni Mikki ang mga katagang “Will You Marry Me”. Hindi na nagdalawang-isip si Bettinna at kinikilig na napasabi ng, “Of course, yes.”
Matatandaang noong August 14 lamang ay isinapubliko ni Bettinna ang relasyon nila ni Mikki sa pamamagitan ng isang Instagram post.

Sa kasalukuyan, ay isa nang writer si Bettinna. Ilan sa mga naisulat na libro ni Bettinna ay ang pumatok niyang libro na “Heartbreaks and Breakthroughs”.
Huling proyekto na ginawa ni Bettinna sa telebisyon ay ang Kapuso teleserye na “Sa Piling Ni Nanay” taong 2016.