Naging emosyonal ang TV host na si Billy Crawford matapos niyang magpaalam sa kaibigan at co-host sa Kapamilya noontime show na “It’s Showtime” na si Vice Ganda.

Sa late night online talk show ni Vice na “Gabing Gabi na Vice” ay tuluyan nang nagpaalam si Billy kay Vice na matagal din niyang nakasama sa “It’s Showtime”.

Kamakailan lamang kasi ay inanunsyo ni Billy ang kanyang paglipat sa TV5 network. Ayon kay Billy, para umano sa pamilya kaya niya napagdesisyunang lumipat sa TV5. Matatandaang hindi nabigyan ng prangkisa ng kongreso ang ABS-CBN kaya nagkaroon ito ng ‘retrenchment’ program.

Sa kanyang paglipat ay dadalhin umano ni Billy ang mga payo sa kanya ni Vice at ni Vhong Navarro na kasamahan din at matalik na kaibigan ni Billy.
Pahayag ni Billy, “‘Ikaw Billy, basta, may pamilya ka na. At ‘yang dala mong Amari, ‘yan ang isang anghel na sasagip sa lahat ng problema n’yo. ‘Yan ang angel n’yo.’ Sabi ni Vhong ‘yan. Sabi mo sa akin ‘yan. And I will always take that. Kasi wala, e. Nandito na tayo.”

Nangako rin si Billy kay Vice na kahit lumipat man siya ng ibang network, ay lagi pa rin umano siyang nandiyan para sa kaibigan.
Ani Billy, “And I just want to say thank you sa pagkakaibigan mo sa akin…And trust me. Kahit anong mangyari tatawagan pa rin kita at sasabihin ko, ‘Ikaw pa rin ang pinaka-number one b!tch sa buong buhay [ko]… Nagpapaka-totoo lang. I love you. You can call me at two to three o’clock in the morning.”

Naiintindihan naman daw ni Vice ang desisyon ng TV host na lumipat ng bagong network dahil may responsibilidad din ito sa kanyang pamilya.

Mensahe ni Vice kay Billy, “Galingan mo sa trabaho at…Alam mo sa pamilya, meron ka talagang kapatid na lilipat ng bahay. Pero porke’t lumipat siya ng bahay hindi mo na siya kapatid, hindi mo na siya kapamilya, hindi mo na siya mahal. Maaaring lumipat siya ng bahay pero family pa rin tayo.” Kahit naman daw lumipat si Billy, ay mananatili pa rin daw itong “kapamilya”.

Saad ni Vice, “Kaya kahit lumipat ka ng bahay, kahit saang bahay man tayo mapunta, family kita. Magkapamilya tayo. At mahal na mahal kita. Kahit magkatapat man ‘yong mga bahay natin, family tayong dalawa, ‘di ba? Magkakawayan tayo sa magkatapat nating bahay at susuportahan natin ang isa’t isa.”

Sa bahaging ito ng chikahan sa pagitan ng dalawa, hindi napigilan ni Billy ang pagtulo ng luha niya.
Mangiyak-ngiyak na saad ni Billy, “Mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ko kayo.”

Sa isang post sa Instagram ay inanunsyo ni Billy na siya ang magiging host ng Philippine adaptation ng TV5 ng South Korean show na “The Masked Singer”.