Boyband Ph Tristan Ramirez, ipinasilip sa netizens ang paghahanda nila ng fiancée sa papalapit na wedding

Maririnig na ang tunog ng kampana!

Credit: @boyband_tristan Instagram

Tila’y napakabilis naman ng panahon. Parang kahapon lamang nang nakilala at nadiskubre si Tristan Ramirez sa industriya ng showbiz at ngayon ay kasalukuyan nang naghahanda para sa papalapit nilang kasal ng fiancée.

Mahigit limang taon na ang nakakalipas simula nang nanalo si Tristan Ramirez sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Boyband Superstar. Simula noon, nabuo ang grupong Boyband PH kung saan ay nakasama niya sina Ford Valencia, Neil Murillo, Joao Constancia, at Russell Reyes.

Dahil sa kanilang kagwapuhan, talento pagdating sa pagkanta at pagsayaw, hindi palaisipan kung bakit hanggang ngayon, patuloy pa rin silang iniidolo ng kanilang fans kahit na’y medyo matagal-tagal na simula nang sila’y nagkasama bilang isang grupo.

Credit: @boyband_tristan Instagram

Sa paghihiwalay nila ng landas, nahanap naman ni Tristan ang taong labis na nagpapasaya sa kanya at ito ay si Ia Dela Cruz, kapatid ni MYX VJ Ai Dela Cruz.

Sa mahigit dalawang taon nilang pagsasama bilang magkasintahan, punong-puno ng masasayang moments ang kanilang relasyon. Simula nang naging sila, hindi naman kailanman itinago ng dalawa ang kanilang relasyon at sobrang open pa nga sa publiko.

Hulyo ngayong taon ng na-engage sina Tristan at Ia. Simula ‘nun, hands-on na ang dalawa sa paghahanda sa mga kakailanganin bago ang kanilang kasal. Ilang linggo matapos ang proposal, pinaghandaan na nila ang titirhang bahay sa pamamagitan ng pamimili ng mga furniture at iba pang gamit.

Credit: @boyband_tristan Instagram

Hindi rin iniwan nina Tristan at Ia ang lahat ng preparasyon sa kanilang organizers dahil sila mismo ang namili ng kanilang wedding cake at mga sapatos na susuotin sa kasal.

Sabado, October 2 nang ipinasilip ni Tristan sa Instagram ang napili nilang wedding ring ng fiancée. Napapalibutan ng eleganteng mga bato, maraming netizens ang nagandahan sa kasimplehan ng napili nilang singsing.

“A glimpse of our wedding rings with a heart! 🤍💎” sulat ni Tristan sa kanyang caption.

Credit: @boyband_tristan Instagram

Habang papalapit nang papalapit ang kanilang kasal, patuloy din na updated ang fans at supporters ni Tristan sa mga ginagawa nilang preparasyon ni Ia para sa espesyal na araw nila.

Nito lamang nang ibinahagi ni Tristan ang mga larawang kuha sa ginawa nilang prenup shoot kasama ang fiancée na si IA.

“Raw pre-nup photos from @niceprintphoto,” pahayag ni Tristan sa kanyang caption.

Credit: @boyband_tristan Instagram

Sa ibinahaging mga larawan ni Tristan, mapapansin naman sa kanilang mga ngiti na mahal na mahal nila ang isa’t-isa.

Sa ngayon ay wala pang update sina Tristan at Ia sa napagdesisyunan araw ng kanilang kasal pero sa patuloy na update ni Tristan sa Instagram, masasabi naman na malapit na silang humarap sa altar at manumpa na mamahalin ang isa’t isa sa hirap man o ginhawa.