Sampung taon mula ngayon ay pwede na umanong mag-retiro ang actor-musician na si Daniel Padilla. Ito ang isiniwalat ng kanyang ina na si “Magandang Buhay” host Karla Estrada nang tinanong siya ni Vicki Belo kung nakakaipon ba si Daniel sa kabila ng minsan niyang maluhong pamumuhay.

Nitong November 26, sa latest vlog ng celebrity doctor na si Vicki Belo ay napag-usapan nila ni Karla kung sino ang humahawak sa pera ni Daniel at kung mayroong ba itong naitatabi mula sa kanyang kinikita sa pag-aartista.
Ayon kay Karla, pwede na umanong tumigil sa pagtatrabaho si Daniel sa edad na 35-anyos dahil may ipon na ito.

Kwento ni Karla kay Vicki, “Mayroon naman siyang savings niya na. He’s good. At 35, he’s good kahit hindi na siya magtrabaho kahit hanggang apo niya. Nagtabi na tayo.”
Ikwenento rin ni Karla na wala siyang komisyon sa mga kinikita ng kanyang panganay na anak bilang isang artista ngunit siya umano ang humahawak sa pera nito.

Ani Karla, “Ako lang nagha-handle lahat nung pera niya. Kasi kung anuman ang gastos namin ay para ‘yon sa lahat. Importante ay may natabi sa kanya.”

Ibinahagi rin ni Karla kung saan ginagastos ni Daniel ang kanyang pera. Pagbubunyag ni Karla, “Hindi siya palahingi. Hindi ‘yon humihingi ng pera na cash pero mag-alala ka na kapag ‘Ma’. Iba-ibang tono yan, kapag ‘hi, Ma’ naku patay tayo diyan. ‘Oh, Ma may darating na sasakyan.’ Hindi siya humihingi. Pero kapag humingi siya, kumapit ka na sa pader.”

Dahil dito ay nakapagpasya si Karla na hayaan na si Daniel ang humawak ng sariling pera nito upang matuto umano itong humawak at mamahala ng pera.
Ani Karla, “Ngayon ang gagawin ko, siya na ang paghahawakin ko ng mga pera niya para maramdaman niya ang feeling na kapag nahawakan niya tapos babawasan niya ng ganito kalaki, mararamdaman niya ‘yung feeling na ay sayang.”

Dagdag niya, “‘Di niya kasi hawak. Kaya it’s easy for him na ‘Ma, bayaran mo ito’ o ‘Ma, may kukunin akong ganito.'”
Sa huli, inamin ni Karla na minsan ay hindi siya pumapayag kay Daniel kapag gusto nitong bumili ng mamahaling sasakyan.

Saad ni Karla, “I sometimes say no parang ‘Anak, alamin mo muna kung maganda bang klase ‘yon. Dahil siyempre ‘yung ganyang age, ‘Pare, ang ganda ng motor na ganito.’ May motor siya. Nasa blood nila ‘yon, mga action star din sila mga Padilla.”

Si Daniel ay anak ni Karla sa kanyang dating partner na si action superstar Rommel Padilla.