Denise Laurel, nagmistulang isang real-life Barbie dol sa kanyang ginawang photoshoot

Kung noo’y tanging imahinasyon lamang ang ating sandigan kapag gusto nating gumaya sa isang karakter ng pelikula o laruan, ngayon ay wala nang patumpik-tumpik pa si Denise Laurel dahil tinotoo lang naman niya ang isa sa mga pangarap nating mga babae noong tayo’y bata pa lamang at ito ay ang pagiging Barbie!

Credit: @d_laurel Instagram

Sa bawat grupo ng mga babaeng bata, hindi talaga nawawala sa kanilang mga laruan ang manikang si Barbie. Dahil maganda at kikay ni Barbie, marami talaga sa mga batang babae ang nag-iidolo sa kanyang karakter pero sa paglipas ng panahon, may mga taong unti-unti nang nawawalan ng interes at kalaunan ay naibabaon nga ito sa limot.

Marahil ay nakakalimutan natin ito dahil sa sobrang daming bagay na kailangang bigyan ng atensyon o simple dahil naiisip natin na masyado na tayong matanda pero halos hindi talaga mapangalanan ang pakiramdam sa tuwing nafu-fulfill natin ang isa sa mga bagay na labis nating gustong gawin katulad na lamang ng aktres na si Denise Laurel na pinatunayang hindi basehan ang edad upang maging si Barbie.

Credit: @d_laurel Instagram

Marami nang artista ang nagkaroon ng photoshoot na inspired sa temang Barbie pero hindi pa rin tayo nasasanay sa tuwing may aktres na gumagawa nito. Kumakailan lamang, magkakasunod ang update at pagpapasilip ni Denise sa Instagram ng mga larawan niya kung saan ay mula ulo hanggang paa ay talagang kuhang-kuha niya ang vibes ni Barbie.

“As ur favorite Barbie Ghorl 🎀,” sulat ni Denise sa kanyang caption kalakip ng mga larawan niya kung saan ay makikita siyang sobrang sassy sa ponytail niyang buhok na puno ng clips habang nakahawak ng lipstick at telephone.

Credit: @d_laurel Instagram

Ang photoshoot na ito ang nagsilbing introduction ng aktres sa kanyang Youtube channel na DeeDee’s World na official niyang binuksan nito lamang Sabado, April 24.

Ayon kay Denise, hindi umano naging madali ang proseso lalo na’t sobrang hirap umano i-visualize ng kanyang design at concept na Barbie pero dahil sa kanyang mga kaibigan na nagbigay sa kanya ng inspirasyon at confidence sa sarili, napagtagumpayan niya ito.

Credit: @d_laurel Instagram

Ibinahagi rin ng aktres na akala niya’y magmumukha siyang awkward sa pagpo-portray bilang si Barbie sa kauna-unahang episode ng “Deedee’s World” pero malaki ang pasasalamat niya dahil success umano ang lahat!

“Feel like another baby is being born:) had to fight happy tears building up the first episode i shot cause i didn’t look like a corny oldie haha,” pahayag ng aktres.

Credit: @d_laurel Instagram

Walang basehan ang pagiging sassy at pagiging Barbie kaya naman nais ni Denise na ipaabot sa karamihan na maganda ang lahat kahit ano man ang sitwasyon, kulay ng balat o edad.