Donita Nose at Super Tekla, nakasama sa Siargao ang magpartner na sila Andi Eigenmann at Philmar Alipayo

Mistulang naka-jackpot sa lotto ang pakiramdam ng comedy duo at vloggers na sina Donita Nose at Super Tekla matapos paunlakan ng engaged couple na sina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo ang kanilang hiling na collaboration.

Credit: Donekla in Tandem YouTube

Sa isang pambihirang pagkakataon, nakasama ng Donekla sa kanilang vlog sina Andi at Philmar na unang beses umanong pumayag na makipag-collab sa kapwa nila vloggers. Hindi naman maitago ng Donekla ang kanilang kasiyahan dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makasama at makakwentuhan sina Andi at Philmar.

Espesyal para sa Donekla ang kanilang pinakabagong vlog dahil sila ang kauna-unahang vloggers na naka-collab nina Andi at Philmar. Bukod dito, personal din silang tinuruan ni Philmar na mag-surf.

Very honored nga ang Donekla dahil pumayag si Philmar na turuan silang mag-surf kahit hindi na umano ito nagtuturo ngayon. Maging si Andi ay aminado rin na nagulat dahil pumayag ang kanyang fiancè sa hiling ng Donekla.

Credit: Donekla in Tandem YouTube

“Í’m so shocked na um-oo siya kasi hindi na siya nagtuturo [ng surfing] since we have three kids,” kwento pa ni Andi..

Napuno rin ng katatawanan ang pakikipagkwentuhan ng Donekla kina Andi at Philmar lalo pa’t komportable sila sa isa’t isa dahil pareho silang mga Bisaya.

Hindi naman naitago ni Donita ang kanyang pagkamangha sa taglay na kagwapuhan at karisma ni Philmar nang makita niya ito sa personal.

Biro pa niya kay Andi, “Sorry talaga, ha. Sorry, Andi. Napakagwapo ng asawa mo.”

Dagdag niya, “Napakagwapo niya, guys, in person. Ito yung lalaking Pilipino talaga na kahit itapat mo kahit kanino, lumalaban.”

Credit: Donekla in Tandem YouTube

Manghang-mangha rin ang Donekla sa galing ni Andi sa pagsasalita ng Bisaya. Komento pa ni Donita, talagang mahal na mahal ni Andi si Philmar dahil inaral pa nito ang lenggwahe ng fiancè.

Samantala, mga basic muna sa surfing ang itinuro ni Philmar at ng kasamahan nitong isa ring professional surfer sa Donekla.

Bago naman magpakitang gilas sa pagsi-surf ang Donekla, nakakwentuhan muna ni Donita si Philmar na 12 taong gulang pa pala nagsimulang mag-surf.

Ibinahagi ni Philmar kay Donita na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano siya makapaniwala na ‘pinili’ siya ni Andi.

Credit: Donekla in Tandem YouTube

Pag-amin pa niya, “‘Di ko nga akalain na, pipiliin niya talaga ako. Gusto niya rin ngayon nandito na…may bahay na, [at] pamilya…hanggang ngayon nga parang nanaginip pa din ako.”

Ayon naman kay Donita, hinahangaan niya si Andi dahil napakabait at napakasimple nitong tao kahit pa sikat na sikat at dati itong artista.

Sa huli, lubos na nagpasalamat sina Donita at Tekla dahil walang pagdadalawang-isip na pinaunlakan ni Philmar ang hiling nilang turuan sila nitong mag-surfing.

Credit: Donekla in Tandem YouTube

Ani Donita, “Thank you talaga super kasi pumayag ka na turuan kami. Actually, hindi na siya nagtuturo diba, tapos bigla siyang pumayag samin ni Super Tekla kaya [ang] happy.”