Donnalyn Bartolome, mamimigay ng house & lot na nagkakahalaga ng P2-milllion sa kanyang subscribers!

Ngayong 2022, isang malaki at bonggang sorpresa ang handog ng singer-actress at vlogger na si Donnalyn Bartolome sa kanyang milyun-milyong subscribers at followers. Bilang pasasalamat sa kanyang mga tagasuporta, isang house and lot na nagkakahalaga ng P2-million ang ipamimigay ni Donnalyn sa isang maswerteng mananalo.

Credit: Donnalyn YouTube

Sa kanyang latest vlog, excited na ipinakita ni Donnalyn ang loob at labas ng bahay. Pero bago ang house-tour, ipinaliwanag muna ni Donnalyn kung bakit niya napili ang bahay para ipamigay sa kanyang tagasuporta.

Aniya, napakaganda ng lokasyon ng bahay dahil malapit lamang ito sa simbahan, eskwelahan, at palengke. Dahil dito, wala na umanong hahanapin pa ang mananalo ng bahay. Ibinahagi rin ni Donnalyn na fully-furnished na ang bahay at siya mismo ang namili ng furnitures na inilagay dito.

Sa unang palapag, makikita ang dining area at ‘clean kitchen’ na kumpleto sa appliances tulad ng microwave oven, rice cooker, at refrigerator.

Credit: Donnalyn YouTube

Handang-handa na rin ang sala para sa kung sino man ang mga titira rito dahil mayroon na itong sofa, fan, air purifier, cabinet, at vacuum. Katabi naman ng sala ay isang toilet at bathroom na mayroon pang libreng electric toothbrush at blower.

Isang kwarto rin ang matatagpuan sa unang palapag na bagaman may kaliitan, kasya naman ang dalawang tao dahil mayroon itong pull-out bed.

Bago dumako sa ikalawang palapag, ipinasilip muna ni Donnalyn ang likod ng bahay kung saan nakalagay ang isang washing machine at gas stove.

Credit: Donnalyn YouTube

Mayroon namang dalawang kwarto sa ikalawang palapag ng bahay. Isa rito’y pwedeng maging kid’s room, study room, o office room. Bukod kasi sa isang sofa bed, mayroon din itong desk, at gadgets tulad ng cellphone at laptop.

Huling ipinasilip ni Donnalyn ang napakaluwang na master bedroom. Pagpasok sa kwarto, bubungad ang isang queen-size bed, TV, electric fan, air purifier, at isang cabinet.

Samantala, para sa mga nais sumali sa pa-house and lot giveaway ni Donnalyn, sundin lamang ang mga sumusunod na step.

Para sa unang step, kailangan lamang mag-subscribe at i-follow ng mga nais manalo ng bahay ang social media accounts ni Donnalyn.

Paliwanag ni Donnalyn, “That’s a given kasi nga, s’yempre, deserve naman talaga ng house and lot is ’yong mga subscribers ko and followers ko.”

Para sa second step, “You have to comment your Instagram account and your full name sa comment section because this is my way to contact you. Isang comment lang i-jam packed n’yo na lahat ng three steps.”

Credit: Donnalyn YouTube

At ang panghuling step ay “Help to help yourself.”

Paliwanag ni Donnalyn, “Madali lang ‘to guys. Magko-comment lang kayo ng kung ano ang ginagawa n’yo to help yourself…or the people around you. What are you doing? Nag-aaral ka ba nang mabuti? Are you working? May business ka ba? Tell me about it. I wanna hear it.”

Dagdag niya, “Pero if you’re not doing anything to help yourself yet, that’s okay. I wanna hear about your plans. I wanna know what plans you want to do with your life, to get yourself out of the situation you are in. I want to hear your plans for your future how are you going to help yourself.”

“Man, I can’t wait to hear your brilliant ideas. ’Yun ’yong last step,” excited na pahayag ni Donnalyn.