Easter Egg Hunting ni Maja Salvador kasama ang pamilya, nauwi sa isang surprise engagement proposal

Bagama’t marami naman tayong natutunghayang iba’t-ibang version ng pagpo-propose, hindi pa rin tayo nagsasawa kapag mayroon na namang bago katulad na lamang ng ginawa ni Rambo Nuñez nang idinaan niya ang paghingi ng kamay sa girlfriend na si Maja Salvador sa pamamagitan ng Easter Egg Hunt!

Credit: @maja Instagram

Noong Semana Santa, nagpunta sa Palawan ang aktres na si Maja Salvador kasama ang pamilya ng kanyang boyfriend na si Rambo Nuñez kung saan ay nagkaroon sila ng maikli at relaxing na bakasyon. At dahil nakasanayan na ng pamilyang Nuñez na magkaroon ng palaro na “Easter Egg Hunt” para sa mga bata, sobra talagang nag-enjoy ang lahat lalong-lalo na ang aktres na sumali rin sa game.

Credit: @maja Instagram

Bago official na nagsimula ang game, pinaghandaan ng pamilya ni Rambo ang surprise na gaganapin para kay Maja kaya naman wala talagang ideya ang aktres na ang inaakala niyang simpleng laro ay magiging wedding proposal pala.

Habang nasa kalagitnaan ng game, talagang walang sinuman sa pamilya ni Rambo ang umimik tungkol sa surpresang magaganap kaya naman talagang bumenta kay Maja na magkakaroon lamang sila ng simpleng “Easter Egg Hunt”.

Credit: @maja Instagram

Nang matagumpay na nakolekta ang lahat ng kanilang eggs, lumapit si Maja kay Rambo upang i-claim na ang kanyang prize. Nang binuksan ni Rambo ang hawak niyang kulay orange na itlog, kaagad na napatili ang aktres at mahinang tinapik ang mukha ng boyfriend nang nakita niya na isa palang singsing ang laman nito.

Nang na-realize kung ano ang ibig sabihin ng singsing na hawak at ang pagluhod ni Rambo sa kanyang harapan, hindi napigilan ni Maja na maiyak sa kasiyahan.

Credit: @maja Instagram

Matapos niyang maka-recover sa gulat, isang matamis na “Yes” ang sagot ni Maja kaya naman automatic talagang napahiyaw sa saya ang lahat ng present sa event.

Credit: @maja Instagram

Nasa Palawan man nangyari ang proposal, kaagad na kumalat ang magandang balita sa publiko kaya naman ilang oras matapos sagutin ni Maja ng “yes” si Rambo, kaagad silang nakatanggap ng pagbati at positibong mga komento galing sa fans at kapwa celebrities na sina Janella Salvador, Sarah Lahbati, Alex Gonzaga, Yassi Pressman, Sofia Andres, at marami pang iba.
Congratulations, Maja at Rambo!