Empoy Marquez, ikwinento ang pagkakataong kailangan niyang magpatawa sa kabila ng mabigat na problemang dinadala

Binansagang versatile actor ng marami ang komedyanteng si Empoy Marquez. Maraming tao ang napapasaya ni Empoy dahil sa kanyang likas na talento sa pagpapatawa. Bukod naman sa kanyang talento sa pagpapatawa ay kaya niya ring paluhain ang mga manonood dahil sa kanyang husay sa pag-arte.

Credit: @empoy Instagram

Ngunit tulad ng karaniwang tao, dumaraan din si Empoy sa mga pagsubok. Ang kaibahan nga lang niya sa marami, dahil sa kanyang trabaho bilang komedyante ay kailangan niyang magpatuloy pa rin sa pagpapatawa kahit na sa kanyang kaloob-looban ay may dinadala siyang mabigat na problema.

Kamakailan lamang, sa isang interbyu sa programang ‘Share Ko Lang’, ibinahagi ni Empoy ang isang partikular na kaganapan sa kanyang karera kung saan sa kabila ng nararamdaman niyang lungkot dulot ng p@gpanaw ng mahal niya sa buhay ay kinailangan niyang manatili sa kanyang role bilang isang ‘komedyante.’

Ayon kay Empoy, nangyari ang naturang tagpo sa birthday concert ng actress-singer na si Sharon Cuneta kung saan ay special guest siya nito.

Credit: @empoy Instagram

Kwento ni Empoy, “Birthday po ni Ms. Sharon Cuneta. Special guest niya po ako sa may Araneta Coliseum. Hindi ko nga po alam kung bakit nandu’n po ako nu’ng time na ‘yun pero sabi nu’ng staff, ‘Isa ka sa gusto ni Miss Shawie kaya ikaw ang isa sa special guest na surprise.”

Ayon pa kay Empoy, habang nag-aantay siya sa kanyang oras para mag-perform ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang pinsan. Ibinalita umano ng kanyang pinsan na namaalam na ang kanilang lola. At sa puntong iyon, ‘turn’ na umano niya para mag-perform.

Dahil sa bigat ng kanyang nararamdaman at samahan pa na nakalimutan niya ang lyrics ng kanta na kanyang kakantahin kaya ipinasa-Diyos na lamang umano ni Empoy ang lahat.

Credit: @empoy Instagram

Ani Empoy, “E, ako na po ‘yung turn…Ako na ‘yung sa stage, tapos hindi ko po alam ‘yung lyrics. Pero parang nu’ng time na ‘yun, yumuko po ako tapos sabi ko sa sarili ko, ‘Oh, Lord God, kayo na po ang bahala sa akin.’”

Inamin ni Empoy na unang beses na nangyari iyon sa kanyang buhay. Sa mga panahon ding iyon ani Empoy, napatunayan niya na sa uri ng kanyang trabaho, ‘the show must go on’ pa rin kahit pa wala siya sa posisyon na magpatawa ng tao.

Pag-amin pa ni Empoy, “First time in my life na nangyari po sa akin ‘yun. Hindi lang pala sa pelikula nangyayari ito. Kailangan ko pa rin, continuous pa rin, show must go on.”

Dagdag niya, “Alam mo ‘yung nandu’n ka sa moment na nawala ‘yung mahal mo sa buhay tapos nandito ka sa maraming tao, papunta ka rito sa maraming tao, maraming tao tapos malungkot ka, tapos bigla kang kailangan mong magpasaya ng maraming tao sa (Big) Dome.”