Herlene “Hipon” Budol, napahagulgol matapos siyang i-prank at pagbayarin ni Alex Gonzaga para sa mamahaling bag at sapatos na regalo nito sa kanya

Napahagulgol na lamang sa tuwa ang model-vlogger na si Herlene Budol o mas kilala sa tawag na ‘Hipon Girl’ matapos siyang regaluhan ni Alex Gonzaga ng isang mamahaling bag at sapatos.

Ngunit bilang “Queen of Pranks”, pinaiyak muna ni Alex si Herlene dahil sa kanyang “Gucci Shopping” prank.

Credit: Alex Gonzaga YouTube

Mapapanood sa latest vlog ni Alex ang pangpa-prank niya kay Herlene.

Noong una, sinabi ni Alex kay Herlene na mag-swi-swimming lamang sila sa kanilang bahay. Halos hindi nga makapaniwala si Herlene nang sabihin ni Alex na pupunta sila sa isang luxury store para bilhan siya ng bag at sapatos.

Credit: Alex Gonzaga YouTube

Una nilang pinuntahan ang tindahan ng Rolex at doon ay sinubukan pa ni Herlene ang isa sa mga relo na nagkakahalaga lang naman ng P600,000.

Matapos sa Rolex store, sunod nilang pinuntahan ang Gucci store kung saan ay pinapili ni Alex si Herlene ng bag at sapatos.

Credit: Alex Gonzaga YouTube

Isang Gucci bag at sapatos ang binili ni Alex para kay Herlene na umaabot sa P150,000 ang halaga.

Noong babayaran na nila ang bag at sapatos ay laking-gulat ni Alex dahil sa biglaang pagbuhos ng mga luha ni Herlene.

Nang tinanong naman ni Alex si Herlene kung bakit siya umiiyak sinabi nito, “‘Di ko akalain na magkakaganyan ako…Masaya ako kaya nga umiiyak ako.”

Isang touching message rin ang sinabi ni Alex kay Herlene.

Credit: Alex Gonzaga YouTube

Ani Alex, “Deserve mo ‘yan kasi nagtatrabaho ka para sa pamilya mo so ‘yung mga gusto mong bilhin dapat nakabili ka na ng ganyan sa laki ng kinita mo kasi inuna mo ‘yung family so it is okay.”

Matapos makalabas sa nasabing luxury store ay isinagawa na ni Alex ang kanyang prank kay Herlene. Tumigil muna sa isang bahagi ng mall sila Herlene at ang kakuntsaba ni Alex na si JC.

Pasekretong kinausap ni JC si Herlene at sinabi rito na sumobra sila sa budget at nagalit umano ang ina ni Alex na si Mommy Pinty.

Kitang-kita sa mukha ni Herlene ang kaba at sinabi niyang ibalik na lamang ang binili nila. Kaya lamang ay umarte si Alex na hindi na pwede dahil masisira ang kanyang image sa store.

Credit: Alex Gonzaga YouTube

Dahil walang pera si Herlene para mapunan ang sobrang nagastos nila kaya naman tinawagan niya ang isa niyang mayamang kaibigan para humingi ng tulong dito.

Matapos makipag-usap ni Herlene sa kanyang kaibigan, dito na sinabi ni Alex na prank lamang ang lahat at para sa kanya talaga ang kanilang pinamili.

“It’s a prank! So, mga netizens joke lang po ‘yun kanyang-kanya po ito. Tuloy po ang budol kay Alex Gonzaga,” ani Alex.

Makikita na hanggang sa huli ay patuloy sa pag-iyak si Herlene.

Sinabi rin niya na maniniwala lamang siyang totoo ang lahat kapag naiuwi na niya sa kanilang bahay ang bag at sapatos.