Ito pala ang naging buhay noon ni Gary Valenciano bago pa siya maging isang sikat na performer

Katulad ng iba, isa lamang ordinaryong lalaki si Gary Valenciano na minsan na ring nalito sa kanyang daan na tatahikin ngunit dahil nakatadhana siyang maging sentro sa mundo ng entertainment, hindi naman nagtagal ay na-realize niya ang kanyang passion.

Lingid man sa kaalaman ng karamihan, ang totoong pangalan ng sikat na performer at artist na si Gary V ay Edgardo Jose Santiago Valenciano. Sa interview niya kasama si Toni Gonzaga noong Linggo, napag-usapan nila ang tungkol sa journey ni Gary V bago ito sumikat bilang isang music artist.

Marami naman sa netizens ang nagulat nang nalamang hindi pala inakala ni Gary V na magiging isa siya sa mga sikat na performer o pasukin man lang ang mundo ng entertainment.

Ikinuwento rin ni Gary V na noong siya’y bata pa lamang, nagsimula na siyang kumanta hanggang nadiskubre ng kanyang nanay na may maganda siyang boses. Ayon pa sa kanya, na-predict umano ng kanyang nanay na papasukin niya ang entertainment.

“That’s when I found out that I could sing but I never never thought… never in my life did I think na aabot ako sa ganito. Being 38, 37 years in the industry,” sabi ni Gary V.

Naging parte rin si Gary V sa grupong “Kundirana” ng La Salle Greenhills kung saan ay nagkaroon siya ng maraming pagkakataon na ipamalas ang kanyang kahusayan sa pag-awit. Ibinahagi niya rin na una siyang napanood sa TV nang inimbita ang kanilang grupo nina Pilita Corrales at Jackie Lou Blanco upang mag-perform ngunit makalipas ang ilang araw matapos ang kanilang appearance sa TV show na “Pilita and Jackie,” muling naimbitahan si Gary V upang mag-perform bilang isang soloist.

Sa kabila ng makailang ulit niyang appearance sa telebisyon, hindi pa rin ramdam ni Gary V na magiging performer siya hanggang sa nag-perform siya sa Immaculate Concepcion Academy (ICA) kung saan ay kinanta niya ang “Gumising Na (Tayo’y Magkaisa)”.

“At that point, walang sumisigaw pero merong mga nakikinig, and I was singing and I was saying, ‘Wait. I’m singing. I’m not entertaining anymore.’ I’m actually able to speak in the form of something harmonious, in the form of something melodious. And there I was, creating an impact that I never thought I could do kasi after the performance, iba na eh,” pagbabalik-tanaw niya.

Matapos ang realization niya na gusto niyang i-pursue ang career bilang isang performer, nagkaroon ng pagkakataon si Gary V na mag-perform sa GMA at simula ‘nun, nagtuloy-tuloy na ang lahat hanggang siya’y sumikat.

Nalito man sa tatahaking daan noon, nagawa naman ni Gary V na mahanap ang kanyang passion na patuloy namang umaalab sa paglipas ng panahon.