Tumungtong na ng 10 million ang subscriber ni YouTube star Ivana Alawi. Pinili naman ni Ivana na sa simpleng paraan lamang ipagdiwang ang panibagong milestone na natamo niya bilang isang YouTube vlogger.

Isang simpleng kainan lamang sa kanilang bahay ang inihanda ng pamilya ni Ivana para sa kanya. Ayon kay Mona Alawi, ang nakababatang kapatid ni Ivana, sinabi umano sa kanya ng kanyang ate na ayaw nito ng isang engrandeng celebration party.
Iyon ang dahilan kung bakit naisip nina Mona, Hashim at ng kanilang Mama Fatima Alawi na sorpresahin si Ivana ng isang simpleng agahan kung saan inihanda nila ang mga paboritong pagkain nito tulad ng chicken inasal, laing at sisig.

Sa kabilang banda, inamin ni Ivana na kaya ayaw niya ng isang malaking pagdiriwang dahil nais niyang itabi ang pera sa pagbili ng mga grocery item na ibibigay niya sa mga mas nangangailangang tao.
“Ayaw kong gumastos ng malaking-malaki kasi parang I’d rather ipamigay nalang ‘yun kaysa magkaroon kami ng engrandeng selebrasyon…Sabi ko gusto ko talaga simple lang,” ani Ivana sa kanyang “10 Million Subs + Giveaway!” vlog episode.

Dagdag niya, “Ayoko talagang gumastos ng malaki para sa celebration. Kung pwede naman natin itulong sa mga taong nangangailangan ngayon. Kahit nga birthday ayoko nga eh.”

Masaya at nagpapasalamat naman si Ivana sa kanyang pamilya dahil sa simpleng celebration na inihanda ng mga ito para sa kanya.

Aniya, “So yes thank you for the simple celebration. Mas natutuwa ako sa mga ganito.”
Pagkatapos naman nilang kumain ay nagtungo na si Ivana sa supermarket para mamili ng mga grocery item.

Ayon kay Ivana, kahit sa kanyang maliit na paraan ay gusto niyang iparamdam sa ibang tao ang diwa ng pasko.
Ani Ivana, “Kasi hindi palagi, ‘di ba? Kapag Christmas hindi lahat nakakaramdam ng pasko. So, it’s important [na] iparamdam pa rin natin sa kanila in your own small way.”

Nag-ikot-ikot naman si Ivana sa kanilang lugar para maghanap ng mga taong bibigyan niya ng regalo ngayong pasko.
Isa-isang binigyan ni Ivana ng dalawang basket na puno ng mga grocery item at mga prutas ang mga taong nakita niya sa lansangan.
Bukod sa mga grocery item, nagbigay din si Ivana ng 10,000 cash sa mga nabigyan niya ng mga grocery item.

Sa huli, hinikayat ni Ivana ang lahat “to continue sharing love and happiness”.
Samantala, magbibigay din si Ivana ng 10 scholarship grant sa mga karapat-dapat na mag-aaral bilang bahagi pa rin ng kanyang 10 million subscriber giveaway.

Nagsimula sa kanyang vlogging career si Ivana noong August 2019.
Ngayong 2020, pinarangalan si Ivana ng YouTube bilang top content creator sa Pilipinas.