Ivana Alawi, usap-usapan ngayon online dahil sa nakakaiyak na nangyari sa kanya noong nagpanggap siyang pulubi

Viral ngayon at usap-usapan sa social media ang “Prank On Strangers On The Street” vlog episode ng YouTube star na si Ivana Alawi. Ito ay dahil sa mga nakakaantig na tagpo na mapapanood sa vlog.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Sa kanyang latest vlog ay nagpanggap si Ivana bilang isang pulubi na humihingi ng tulong para may pamasahe siya pauwi ng Baguio.

Pinuntahan ni Ivana ang ilang lugar sa Kamaynilaan para maghanap ng mga taong may mabubuting puso na handang tulungan ang mga kagaya niyang nangangailangan at bigyan ang mga ito ng ‘reward’.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Sa bawat piso nga na ibibigay sa kanya ng isang tao ay imu-multiply niya ito sa P1000.

“Maghahanap tayo ng mga taong may mabubuting puso. Marami pa rin sa atin ang mababait. Marami pa rin sa atin ang tumutulong sa ating mga kapwa…I will find you and I will reward you,” ani Ivana sa umpisa ng vlog.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Kahit may ilang beses na hindi pinansin si Ivana ng mga taong hiningian niya ng barya, hindi naman siya nabigo sa kanyang misyon dahil mayroon pa ring ilang mga taong handang tumulong kahit na sila mismo ay kapos din sa buhay.

Kabilang sa mga nabigyan ni Ivana ng 10,000 piso ang isang drayber at isang nagtutulak ng mga paninda sa daan. Biniyayaan din ni Ivana ng 20,000 piso ang dalawang tanod na naawa sa kanya at binigyan siya ng 20 piso.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Ngunit sa lahat ng tumulong sa kanya, sobrang naantig at humanga si Ivana sa kabaitan ng isang 58-anyos na naglalako ng puto’t kutsinta sa daan.

Kinilala ang nasabing tindero bilang si “Tatay” Joselito Martinez na mula sa Ormoc City ngunit nakatira ngayon sa Alabang, Muntinlupa upang maghanapbuhay.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Hindi kasi itinaboy ni Joselito si Ivana bagkus ay binigyan pa niya ito ng 20 piso at isang balot ng paninda niyang kutsinta na talagang nagpaiyak sa vlogger.

“Si Tatay, sobrang bait niya. Sobra. Tatay, pinaiya n’yo ko eh,” ani Ivana habang patuloy na bumubuhos ang kanyang mga luha.

Kitang-kita naman sa mukha ni Joselito ang labis na pagkabigla sa biyayang kanyang natanggap matapos siyang bigyan ng 20,000 piso ni Ivana.

Credit: Ivana Alawi YouTube

“Hala uy, hindi ko akalain na ganito. Biyaya ng langit po. Salamat po,” reaksyon ni Joselito matapos ibigay ni Ivana ang pera.

Ayon naman kay Joselito, sobrang laking tulong ng pera na ibinigay ni Ivana dahil sa wakas ay may pambili na siya ng bisikleta na magagamit niya sa pagtitinda.

Credit: Ivana Alawi YouTube

Sa huli sinabi naman ni Ivana na dahil sa mga taong katulad ni Tatay Joselito ay mas na-iinspire siyang maging mabuting tao at tumulong sa maraming tao.

Idinagdag pa ni Ivana na hahanapin niya si Tatay Joselito upang higit niya itong ‘matulungan’ dahil aniya, ang mga taong katulad nito ay karapat-dapat na tulungan.