Ivana Alawi, winalk-outan ang nakadate dahil sa bastos na pagtrato nito sa isang waiter!

Binalikan ng YouTube star at sexy actress na si Ivana Alawi ang kanyang ‘worst date experience’ nang makapanayam siya ng TV host na si Toni Gonzaga.

Credit: Celestine Gonzaga-Soriano YouTube

Sa pagdiriwang pa rin ng “Women’s Month”, iba’t ibang maimpluwensiyang kababaihan sa social media ang in-interview ni Toni.

Isa nga rito si Ivana na ikwenento kung paano siya labis na na-turn-off sa masamang pag-uugali na ipinakita ng isa niyang naka-date.

Ayon sa 24-taong gulang na social media influencer, nangyari ang kanyang ‘worst date experience’ sa isang restaurant sa Pasig City.

Hindi nagustuhan ni Ivana ang paraan ng pakikitungo ng kanyang naka-date sa waiter ng pinuntahan nilang restaurant.

Credit: Celestine Gonzaga-Soriano YouTube

“May time kasi na we were eating in a restaurant. Pinagsisigawan niya yung waiter. Pinagmumura niya,” bahagi ni Ivana.

Dagdag niya, “Parang siguro he was trying to impress me. Pero hindi niya alam sobrang na-turn off ako dun. The way that he treated that waiter.”

‘Biggest turn-off’ daw talaga para kay Ivana kapag ang isang lalaki ay mayabang at nangmamaliit ng ibang tao.

Naisip nga ni Ivana noong mga panahon na iyon na baka sa hinaharap ay gawin din ng kanyang naka-date sa kanya o maging sa kanyang pamilya ang ginawa nito sa waiter.

Credit: @ivanaalawi Instagram

Ani Ivana, “Sabi ko, kung ganyan siya magtrato sa waiter, di ba, he can treat me, anyone else, like that. Like, he could treat me, he could treat my family…sabi ko, ang lala niya.”

Kwento pa ni Ivana, nag-walkout siya dahil hindi niya kinaya ang kanyang nasaksihan. Personal din umano siyang humingi ng paumanhin sa waiter dahil sobrang naawa siya at nahiya sa ipinakitang pag-uugali ng kanyang date.

“Tapos yung waiter, umiiyak. Nag-walkout na ‘ko. Kinausap ko ‘yung waiter. Sabi ko, ‘Sorry ha, sorry,’ ganun-ganun. Kasi ayoko nang nakakakita ng ganun,” kwento ni Ivana.

Samantala, malakas naman ang kutob ni Toni na isang ‘celebrity’ ang lalaking naka-date ni Ivana.

Ani Toni, “Artista ‘yon? Feeling ko artista.”

Credit: @ivanaalawi Instagram

Sa umpisa ng vlog, tila kinumpirma rin ni Ivana na sa isang artista niya naranasan ang kanyang pinakapangit na karanasan sa pakikipag-date.

Maging si Toni ay nadismaya sa ipinakitang masamang ugali ng naka-date ni Ivana.

Ani Toni, “May celebrity pa lang ganun, ‘no? Nakaka-turn off naman.”

Dagdag naman ni Ivana, matapos ang kanilang date ay hindi na niya kinontact ang lalaki.

Credit: @ivanaalawi Instagram

Ani Ivana, “Nag-text [siya], tumatawag. Akala niya siguro nao-off ako sa kanya, pero hindi ko na in-isa-isa na parang, ‘Bastos kang magtrato ng ibang tao.'”

Rebelasyon din ni Ivana na tuwing magkikita sila ng lalaki ay hindi na siya nito pinapansin.

“‘Pag nagkita kami, parang, ‘Dedma ha! Stranger? Ang sama ng ugali mo,'” saad pa ni Ivana.

Sa parehong panayam, sinabi rin ni Ivana na wala siyang idini-date ngayon at hindi siya nasa isang pribadong relasyon.