JC Santos, sinariwa ang mga pinagdaanan noon bilang isang OFW sa Hong Kong at Singapore sa edad na 19

Bilang isang dating OFW, labis na nakaka-relate ang aktor na si JC Santos sa kwento ng karakter na kanyang gagampanan sa kanyang bagong pelikula na pagbibidahan na “The Eventologist”. Gaganap bilang isang Pinoy event organizer sa Doha, Qatar si JC sa pelikula.

Credit: @j.c.santos Instagram

At sa katatapos lamang na mediacon ng pelikula, sinariwa ni JC ang mga pinagdaanan niya noon bilang isang performer sa isang theme park sa Hongkong at Singapore sa edad na 19.

Ibinunyag ni JC na isa sa mga nagtulak sa kanya para maging OFW ay ang kanyang kuryosidad na malaman ang dahilan sa likod ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang para magtrabaho sa ibang bansa.

Credit: @j.c.santos Instagram

Kwento ni JC, “I was a performer for both theme parks. The first time I went there I was 19 years old. I was curious kasi nung time na yun kasi OFW parents ko so gusto ko maintindihan bakit naghiwalay parents… Gusto ko maintindihan yung side nila.”

Ayon pa kay JC, sinuwerte siya dahil natanggap siya nang mag-audition siya sa sikat na theme park company na Universal Studios sa Singapore. Dahil din sa kanyang hilig sa pagpe-perform kaya naman labis umano niyang na-enjoy ang kanyang trabaho.

Aniya, “Nung time na yun I was enjoying the whole thing. I was making money na tapos meron kang ganito kalaking money hindi mo alam gagawin mo.”

Credit: @j.c.santos Instagram

Ngunit tulad ng karamihan, isa sa mga naging kalaban ni JC habang nagtatrabaho sa ibang bansa ay ang lungkot at labis na pangungulila sa kanyang mga mahal sa buhay na narito sa Pilipinas.

Paglalahad ni JC, “Nung time na yun I was super scared and vulnerable every time kasi as a person dito sa Pilipinas meron kang mga comfort zone na pinupuntahan. Kunwari yung friend ko puwede ko lang puntahan ngayon any time. Puwede ko makita yung mga loved ones ko. Kapag nasa ibang bansa ka, wala. It’s like I’m working every time kahit na nasa bahay na ako at nag-re-relax.”

Credit: @j.c.santos Instagram

Samantala, ibinahagi ni JC na ang kanyang naipon mula sa pagiging OFW ay ginamit niya para makamit ang kanyang pangarap na makapag-aral sa Amerika at makapagpundar ng kanyang sariling bahay.

“Ang pinaka main dream ko nun was to study in New York. Kumbaga gagamitin ko itong iipunin ko habang OFW ako ngayon para makapag-aral ako sa New York. So yung ginamit ko na pera actually pinang-aral ko. Tapos eventually nakapagpatayo din ako ng bahay,” pagbabalik-tanaw ni JC.

Credit: @j.c.santos Instagram

Bagamat maayos na ang kanyang karera sa ibang bansa, sa huli ay pinili pa rin ni JC na sa Pilipinas gawin ang isa sa mga passion niya sa buhay at ito ay ang pagpeperform.

Sa ngayon nga ay namamayagpag ang karera ni JC dahil sa kanyang kahanga-hangang talento sa pag-arte.