“Working hard really pays off”
Ito ang napagtanto ng Kapamilya singer-songwriter na si Jed Madela dahil sa loob ng 15 taon niyang pagtatrabaho sa showbiz ay naipundar na niya ang pinapangarap niya lang noong bahay.

Kamakailan ay ibinahagi ng Star Magic sa kanilang YouTube channel ang video ng house tour ni Jed.

Unang ipinakita ni Jed ang dining/kitchen room na isa sa mga paborito niyang lugar sa bahay. Mayroon itong 8-seater dining table. Ayon pa kay Jed, simple ngunit convenient raw ang kanyang dining room dahil katabi lang nito ang kitchen area.

Ikinuwento ni Jed sa video na existing na ang dining room ng bahay noong lumipat sila rito. Aniya, “Sobrang simple lang ng [dining] area na ‘to. Paglipat ko kasi dito sa bahay existing na lahat na ‘to. Parang in-enhance lang namin. We had to do more paint jobs, pinalitan namin lahat ng mga fixtures, mga furnitures tsaka ‘yung mga kurtina. ‘Yung mga aesthetics kumbaga.”

Nagkuwento si Jed na kamakailan lamang, nang nag-qu@rantine ay nahilig siya sa potted plants. Certified plantito si Jed dahil sa dami ng kanilang halaman sa bahay.
“Lately, kasi nga l0ckdown, wala tayong masyadong magagawa, hindi tayo masyadong lumalabas. So we try our best to keep ourselves busy. And lately pumasok ako into the wonderful world of taking care of plants,” kwento ni Jed.

Ibinahagi rin ni Jed ang kanyang lounge/prayer area na bagong renovate lang. Ayon pa kay Jed, iba raw ang epekto sa kanya kapag dito siya tumatambay. Dito raw siya “nakahanap ng peace and relaxation, and time for myself, time to meditate, time to say my prayers and talk to God.”

Sunod na ipinakita ni Jed ang kanyang koleksyon ng mga painting. Isa sa mga painting na mayroon si Jed ay gawa pa mismo ng aktor na si Paolo Ballesteros.

Napaka-espesyal naman para kay Jed ang kanyang toy room dahil dito siya “naglo-lock ng sarili ‘pag medyo toxic na ang mundo”. Matatagpuan sa kanyang toy room ang iba’t ibang Funko pop toy niya ng mga Disney character, paborito niyang pelikula at music icons.

Inamin din ni Jed na 2018 lang siya nagsimulang mangolekta ng laruan noong kumikita na siya ng kanyang sariling pera.

Pinakahuling ipinakita ni Jed ay ang kanyang creative studio. Puno ito ng iba’t ibang gadget, pati na rin ng iba pang koleksyon niya ng laruan.
Maliban sa paggawa ng mga video content ay nagde-desenyo rin si Jed ng sariling laruan.

Sa huli ay sinabi ni Jed, “Seeing this house, it makes me feel good na kahit paano sa hirap na pinagdaanan ko sa trabahong ito… it’s all worth it. I have a home, I have a place to stay kung saan I could call my own.”