Ang pagpapakasal ay hindi lamang simula ng pagsasama ng isang babae at isang lalaki, ito rin ay simbolo ng kanilang pangako sa bawat isa na kahit anong pagsubok ang dumaan ay mananatili silang matatag bilang mag-asawa.

Isa sa mga mag-asawang nanatiling matatag sa kabila ng maraming hamon na kinaharap nila sa kanilang pagsasama ay sina boxing champ senator na si Manny Pacquiao at entrepreneur-vlogger Jinkee Pacquiao.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Jinkee ang ilang mga larawan ng civil wedding nila ni Manny na naganap noong 1999.

Aniya sa caption ng IG post, “1999. ‘The two are united into one’. Genesis 2:18 Then the Lord said, ‘It is not good for the man to be alone. I will make a helper who is just right for him’.
Dagdag niya, “God gave me, you”.

Hindi makapaniwala si Jinkee na umabot ng 21 taon ang pagsasama nila ni Manny. Nagpasalamat siya na sa kanilang pagsasama ay ginabayan sila ng Panginoon, dahilan kung bakit nila nadaig ang mga pagsubok na dumating sa kanila.

“21 years and counting! Grabe, how time flies. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa lahat, ang dami nating pinagdaanan, nalampasan ang mga pagsubok at ngayon mananatiling matatag at malakas sa gabay ng Panginoon!”

Binalikan rin ni Jinkee kung gaano pa sila kabata ni Manny noong sinimulan nila ang kanilang pamilya.
Aniya, “I love you, babe! God is good all the time! Blond pa ang hair mo @mannypacquiao ikaw murag si jimuel ako murag si queenie.” (I love you, babe! God is good all the time! Blond pa ang hair mo @mannypacquiao ikaw parang si jimuel ako parang si queenie)

Samantala, sa isang vlog episode na inupload ni Jinkee sa kanyang YouTube channel noong February 14 ay ikwenento ng mag-asawa na ikinasal sila ng dalawang beses.

Ang una ay isang intimate civil wedding na ginanap noong August 10, 1999 at pangalawa ay isang church wedding na ginanap noong May 9, 2000.

Sa loob ng 21 taon, ay lubos na biniyayaan sina Manny at Jinkee ng Panginoon. Bukod sa matagumpay na boxing career ni Manny ay nakapagpatayo na rin sila ng maraming negosyo. Bukod sa mga materyal na bagay, ay itinuturing din ng mag-asawa na biyaya mula sa Panginoon ang kanilang limang anak na sina Emmanuel Jr. (Jimuel), Michael Stephen, Mary Divine Grace (Princess), Queen Elizabeth (Queenie) at Israel.