Ipinasilip ng misis ni boxing champ-senator Manny Pacquiao na si Jinkee Pacquiao sa kanyang YouTube channel ang napakalaking bahay nila sa Gensan.

Sa vlog, ay ipinakita ni Jinkee ang kanilang living room, entertainment area, outdoor dining area, swimming pool, guests house, playground at ang kanilang indoor basketball court.

Sa kanilang living room ay makikita ang iba’t ibang memorabilias ng pamilyang Pacquiao. Mahilig magpa-frame ng mga picture si Jinkee bilang souvenir. Kabilang dito ang mga larawan nila nang magbakasyon sila abroad, noong naging vice-governor siya ng Sarangani Province, mga larawan niya mula sa kanilang bahay sa Amerika pati na rin mga solong larawan ni Jinkee mula sa kanyang mga magazine shoots.

Sa gitna naman ng living room ay nakalagay ang isang malaking family portrait nina Jinkee. Dagdag pa rito ay puno rin ng mga larawan ang kanilang entertainment room. Makikita rito ang mga larawan ng mga nakalipas na engrandeng birthday celebration ni Manny.

Sunod na ipinakita ni Jinkee ang kanilang outdoor dining area. Para maiba naman daw ay naisipan ni Jinkee na gawing outdoor dining area ang dating open space sa kanilang garden. Mayroon itong glass walls, dining table na kayang mag-upo ng 8 tao at ekstrang dalawang cozy chair.

Multifunctional naman ang kanilang garden area na may swimming pool at ginawang events area din ng pamilyang Pacquiao kung saan nila ginaganap ang mga birthday party at Bible study sessions.
Sa isang aerial shot naman ay makikita ang guests house ng pamilya.

Lahat na nga ng bagay ay maaari mong gawin sa mansyon na ito ng pamilyang pacquiao mula sa paglalaro ng basketball hanggang sa pagka-karaoke.

Bongga sa laki ang lugar kaya kasya ang isang indoor basketball court dito. Mahilig kasi sa sports ang pamilya, partikular na ang pagba-basketball, kaya napagdesisyunan nilang magpatayo ng sariling indoor basketball court upang hindi na kailangan pang lumabas nila Manny at ng mga anak nito kapag gusto nilang maglaro ng basketball.

Mayroon din itong sariling playground na pwedeng paglaruan ng mga anak ni Jinkee.
Pagkukuwento pa ni Jinkee, “Even in Manila, we have a theatre. But we don’t have basketball court, because we have smaller house at Forbes. We love it more here, in the province, in Gensan because they could play basketball. We also have a small karaoke there. We can do anything here in our house.”

Ang bahay na ito ng pamilyang Pacquiao sa Gensan ay isa lamang sa mga katas ng paghihirap ni Manny bilang boksingero at ng kanilang mga naipundar na negosyo.

20 years old pa lang sina Jinkee at Manny ng una silang magsama. Ngayon ay mayroon na silang limang anak na sina Emmanuel, Michael, Mary Divine, Queen Elizabeth at ang bunso nilang si Israel.