Jodi Sta. Maria masayang inalala ang kanyang talent fee na nagsimula sa P1,500

Marami sa mga matagumpay na artista ngayon ang dumaan muna sa maraming pagsubok bago nila narating ang tugatog ng kasikatan. Isa sa kanila ang bida ng Kapamilya adaptation ng sikat na drama series na “The Broken Marriage Vow” na si Jodi Sta. Maria.

Credit: @jodistamaria Instagram

Si Jodi ay kinikilala ngayon bilang isa sa pinakatanyag at batikang aktres ng kanyang henerasyon. Pinahanga niya ang maraming manonood sa kanyang husay sa pag-arte lalo na sa mga drama seryeng kanyang pinagbibidahan.

Ngunit bago naging isang matagumpay na artista, maraming pagsubok muna ang naranasan ni Jodi na tiyak kapupulutan ng aral at inspirasyon ng marami.

Kamakailan lamang, lumitaw si Jodi sa isang panayam kasama ang mamamahayag, host, at vlogger na si Karen Davila sa YouTube channel nito.

Sa nasabing vlog episode, ibinahagi ni Jodi sa marami ang kanyang humble beginnings. Ikwinento ni Jodi na siya at ang kanyang nakatatandang kapatid ay pinalaking mag-isa ng kanilang ina. Bago umano siya naging artista, nasubukan niyang magbenta ng tig-20 pesos na popcorn sa kanilang paaralan. Natigil naman umano ang kanilang maliit na negosyo noon dahil naging kakompetensya na sila ng canteen ng paaralan.

Credit: @jodistamaria Instagram

Pag-amin naman ni Jodi, mahiyain at simpleng estudyante lamang siya noon. Gayunpaman, mahal niya ang pagpe-perform sa harap ng maraming tao.

“Ano lang ako … typical school girl na mahiyain. Pero sobrang love ko ang pagpeperform,” pagbabalik-tanaw ni Jodi.

Tila noon pa lang ay may angking husay na sa pag-arte si Jodi. Kaya naman isang talent scout ang nakapansin at humikayat sa kanyang mag-audition. Sa mga panahong ito, hindi kaagad sumabak sa pag-aartista si Jodi kundi’y sa iba’t ibang commercial auditions.

Pero hindi sinwerte si Jodi sa commercials. Sa pangalawang beses, tinawagan umano siya ng nasabing talent scout. Sa pagkakataong ito, hinikayat umano siya nitong subukang mag-audition para sa Batch 7 artists ng Star Magic.

Credit: @jodistamaria Instagram

Kwento naman ni Jodi, kahit hindi siya makuha noon ay masaya pa rin umano siya dahil ang gusto lamang niya ay makakita ng mga artista.

Aniya, “And then tumawag na naman siya sabi niya na may pa-audition ang ABS-CBN looking for people to audition for the new batch of Star Circle 7. I’m like ‘Sige try ko.'”

Patuloy niya, “Pagdating doon,‘Oh my gosh ito na ‘yung ABS-CBN!’ Ito pala itsura niya. Pero noong time na ‘yun, kung hindi man ako matanggap, okay lang. Ang gusto ko lang makakita man lang ako ng artista.”

Samantala, nang tanungin kung magkano ang talent fee niya noong nagsisimula pa lang siya sa pag-aartista, sinabi ni Jodi na ang pinakaunang talent fee na natanggap niya ay P1,500.

Credit: @jodistamaria Instagram

Matatandaang noong 1998, ipinakilala si Jodi bilang isa sa mga bagong batch ng Star Magic artists. Kahilera ni Jodi ang mga aktres na sina Desiree Del Valle at Alessandra De Rossi.