Joey Marquez, proud sa kanyang 16 na anak at sinabing pantay-pantay ang pagmamahal niya sa kanila

Inamin ng aktor na si Joey Marquez na kung bibigyan siya ng pagkakataong mabago ang kanyang buhay ay hindi niya babaguhin ang naging takbo nito. Kasama nga rito ang pagkakaroon niya ng 16 na anak mula sa iba’t ibang babae.

Credit: Ogie Diaz YouTube

Sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa YouTube channel nito, sinabi ni Joey na ang kanyang mga anak ang pinakamagandang nangyari sa kanyang buhay at gagawin niya ang lahat magkaroon lamang ang mga ito ng magandang buhay.

Credit: Ogie Diaz YouTube

Pahayag ni Joey, “Hindi ko kayo pinag-aral para bayaran ‘yung mga ginawa ko.”

Dagdag niya, “Hanggang sa mam@tay ako, hindi ako hihingi ng tulong dahil hindi ko kayo pinanganak para maging investment ko.”

Credit: Ogie Diaz YouTube

Ayon din kay Joey, kahinaan niya ang kanyang mga anak at gagawin niya ang lahat para lamang mapasaya ang mga ito. Kabilang dito ang pakikipagkaibigan niya sa nanay ng kanyang mga anak kahit pa hiwalay na sila nito.

Credit: Ogie Diaz YouTube

Ani Joey, “Ayokong magdamdam ‘yung mga anak ko at mamromblema siya sa magulang niya. Kasama na rito ‘yung paggalang ko sa mga nanay na hindi porket hiwalay na kayo, hindi na kayo magkasama, hindi ka na dapat nag-iisip para sa kanila.”

Credit: Ogie Diaz YouTube

Para naman kay Joey, maituturing niya ang kanyang sarili bilang maswerteng ama dahil ang kanyang mga anak ay malapit sa isa’t isa.

“I’m so lucky kasi yung mga anak ang treat nila sa isa’t isa, hindi half-brother, half-sister. Sa amin, there’s no such thing as half-brother or half-sister,” ani Joey.

Ibinahagi rin ni Joey na sa edad na 63 ay mayroon na siyang last will and testament at nakasaad dito na pantay-pantay ang makukuha ng kanyang mga anak sa maiiwan niyang kayamanan.

Credit: Ogie Diaz YouTube

Bahagi ni Joey, “Alam mo kasi ako ‘yung hindi maluho na tao eh, hindi ako mahilig lumabas, hindi ako mahilig bumili ng kung anu-ano. Ang sakin kasi hangga’t maaari, ipon lang ako ng ipon, hindi para sa akin, para kahit papaano may maiwan ako sa mga anak ko.”

Dahil lumaking walang tatay, kaya naman sinisigurado ni Joey na nariyan siya parati para sa kanyang mga anak dahil ayaw niyang maranasan ng mga ito ang pakiramdam na walang ama.

Aniya, “Ayokong maramdaman nila na sa dami nila, wala sila na tatay na mag-aalaga sa kanila kasi yun yung naramdaman ko nung bata ako eh.”

Credit: Ogie Diaz YouTube

Masasabi naman ni Joey na utang niya sa kanyang ina kung sino siya bilang isang magulang.

Kwento ni Joey, “In spite the fact na wala ang tatay ko nung lumaki ako… Sabi niya sa akin, kahit ano man ang kasalanan ng tatay mo, tatay mo pa rin ‘yan.”

Sa huli, iginiit ni Joey na maaaring hindi siya isang “good husband” ngunit walang sinuman umano ang makakapagsabi sa kanya na hindi siya naging isang mabuting ama.