John Prats, nangakong papaaralin ang tatlong anak ng “ReiNanay” contestant na si Manilyn Malupa

Bumuhos ang tulong para sa single mom at “Reina ng Tahanan” contestant na si Manilyn Malupa mula sa mga host ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime.”

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Ito ay matapos niyang ikuwento ang mga hamon na pinagdaanan niya bilang isang nanay at tagapagtaguyod sa kanyang tatlong anak.

Noong July 22, sa episode ng “It’s Showtime” segment, isinalaysay ni Manilyn ang kanyang pinagdaanan bago siya sumali sa kumpetisyon at kung gaano siya nagpapasalamat sa kanyang kapitbahay na si Ate Baby sa pagtulong nito sa kanya.

Kwento ni Manilyn, malaki ang naitulong ng kanyang kapitbahay lalo na para makasali siya sa kumpetisyon at sa pag-aaral ng kanyang mga anak sa kanilang online school.

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Ani Manilya, “Siya po si Ate Baby. Siya po ‘yung kapitbahay namin na nagpapahiram sa akin ng cellphone para po makasali ako dito sa Showtime. Nu’ng nag-audition po ako, cellphone po niya ‘yung ginamit. Tsaka ‘pag kailangan ng online class, siya rin po ‘yung takbuhan ko ‘pag kailangan po mag-online class ng mga anak ko. Nanghihiram po ako sa kanya ng cellphone.”

Ibinahagi naman ni Manilyn ang kanyang dahilan kung bakit sa kabila ng paghihirap, hindi siya humingi ng tulong sa kanyang mga kapatid at magulang.

Ayon kay Manilyn, hindi niya magawang humingi ng tulong mula sa kanyang pamilya dahil maging ang mga ito ay nakikita niyang hirap din sa buhay.

Credit: ABS-CBN Entertainment YouTube

Aniya, “Alam mo ‘yun Ate Baby [na] ako ‘yung panganay sa’men. Dose kami magkakapatid. Tsaka pangarap po talaga natin na masarap na may kapatid tayong matatakbuhan…Pero, paano ako tatakbo kung nakikita ko naman na hirap din ho sila sa buhay? Kaya hangga’t kaya ko pa, ako na lang po. Tsaka andiyan naman po si God nagpo-provide ng mga tao na tutulong sa akin.”

Samantala, maraming humanga sa pagiging malakas at positibo ni Manilyn bilang isang nanay. Isa na rito ang komedyanteng si Vice Ganda na nagpaabot ng tulong kay Manilyn. Hindi nagdalawang-isip si Vice ng manawagan ng suporta para kay Manilyn sa pamamagitan ng GCash. Bukod dito, binigyan din ni Vice ng pagkakakitaan si Manilyn.

Credit: @johnprats Instagram

Saad ni Vice, “Hindi ko rin kayang mapalampas ‘to. Kanina ko pa iniisip. Paano ko kaya mabibigyan ng tulong itong si Manilyn? Bibigyan kita ng mga produkto ng Vice Cosmetics. Ibenta mo…”

Credit: @johnprats Instagram

Ngunit sa huling bahagi ng segment, biglang inanunsyo ni Vice na tutulong din ang direktor ng “It’s Showtime” at “FPJ’s Ang Probinsyano” actor na si John Prats.

Saad ni Vice, alok ni John bilang tulong ang isang scholarship kung saan ay siya na ang sasagot sa pag-aaral sa online school ng tatlong anak ni Manilyn.

Credit: @johnprats Instagram

“Sabi ni Direk John Prats, ie-enroll niya raw yung tatlong anak mo sa online school. Siya daw ang bahala!” pahayag ni Vice.