K Brosas, mala-teleserye pala ang naging buhay na naranasan sa piling ng kanyang ina at tiyahin

Kilala ng marami sa industriya ng showbiz si K Brosas bilang isang mahusay na comedian-singer. Ngunit ang hindi alam ng karamihan, sa likod pala ng isang masayahing K Brosas na nagbibigay saya sa marami ay isang anak na pinagkaitan ng pagmamahal ng kanyang mga magulang.

Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube

Sa isang pambihirang pagkakataon, ibinahagi ni K ang kwento ng kanyang buhay sa marami na talaga namang kapupulutan ng maraming aral at inspirasyon gaano man ito kasalimuot.

Sa panayam sa kanya ni Toni Gonzaga, ikwenento ni K ang relasyon nila ng kanyang biological mother at ng kanyang tiyahin na nagpalaki sa kanya.

Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube

‘Magulo’ kung ilarawan ni K ang relasyon nila ng kanyang biological mother. Pag-amin niya, sa buong buhay niya ay hindi ‘present’ at hindi niya naramdaman ang pagmamahal nito. Kwento ni K, isang entertainer sa Olongapo ang kanyang ina. Lumaki naman siyang hindi kilala ang kanyang Amerikanong ama dahil maging ang kanyang ina ay hindi rin umano ito kilala.

Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube

Sa hirap naman ng buhay, kaya naiwan umano siya sa pangangalaga ng kanyang tiyahin. Isinalaysay niyang hindi rin naging maganda ang kanyang karanasan sa poder ng kanyang tiyahin na tinatawag niyang “Mama” habang siya ay lumalaki.

Paglalahad ni K, madalas siyang pagbuhatan ng kamay nito. Sobrang masas@kit na salita rin umano ang kanyang natatanggap mula rito.

Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube

Sabi pa ni K, “Alam ko namang mahal na mahal ako nu’n eh. Pero kung paano niya ipakita ‘yung pagmamahal…hirap siya. ‘Tapos mabigat ‘yung kamay.”

Aminado si K na lumaki siyang rebelde, isang bagay na hindi niya ipinagmamalaki. May halong pait ding sinabi ni K na habang lumalaki, bukod sa kanyang mga kaibigan, wala na siyang napagkukunan ng pagmamahal.

Sa kabila naman ng naranasan niya sa kamay ng mga kinikilala niyang magulang, masasabi ni K na malaki ang utang na loob niya sa mga ito.

“Kaya malaki ang utang na loob ko dun sa mama ko at saka dun sa stepfather ko [na] nagpalaki sa akin. Kasi magandang eskwelahan namin…Kaso nga lang talaga, ‘battered chicken’ ako,” ani K.

Samantala, naiyak naman si K nang ibahagi niya ang isang tagpo sa pagitan niya at ng kanyang biological mother. Umiiyak na ikwenento ni K na noong bata pa siya ay labis siyang nasaktan matapos sabihin ng kanyang ina na lalaki umano siyang katulad nito.

Credit: Toni Gonzaga Studio YouTube

Kaya ipinangako umano niyang hindi siya kailanman tutulad dito. Nagsikap siya sa buhay at ginamit ang talento na ibinigay sa kanya ng Panginoon — ang magpasaya ng maraming tao.

Masasabing nagsilbing paraan ni K ang pagkanta at ‘comedy’ o pagpapatawa para kahit papaano’y maibsan ang sakit na dulot ng kanyang mga karanasan sa buhay.

Umaasa naman si K na sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng kanyang kwento ay makapagbibigay siya ng pag-asa, inspirasyon, at lakas sa maraming tao.