Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, walang balak na magsama sa iisang bahay hangga’t hindi pa nakakasal

Mahalaga para kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na magpakasal muna bago sila magsama sa iisang bahay.

Credit: @supremo_dp Instagram     

Sa “Finale Blog Conference” para sa pagtatapos ng kanilang digital movie series na “The House Arrest of Us”, inamin nina Kathryn at Daniel na wala silang plano na magsama sa iisang bubong hangga’t hindi pa sila kasal. Ayon kay Daniel, hindi pa umano sila handa ni Kathryn na magsama sa iisang bahay.

Credit: @supremo_dp Instagram

Ani Daniel, “Hindi pa siguro. Hindi pa kami handa magsama sa iisang bahay. Papakasal muna kami saka kami magsasama sa isang bahay.”

Dagdag ni Daniel, “Dahil si Kathryn nandiyan pa si Lhexine [pamangkin ni Kathryn], di ba? Bata pa si Lexine…Binabantayan niya pa. Ako naman, nandiyan pa yung mga kapatid kong mga babae. Binabantayan ko pa din. Marami pang bantayang magaganap. Papakasal muna kami.”

Credit: @supremo_dp Instagram

Iginiit naman ng KathNiel na hindi sila napre-pressure na magpakasal dahil lamang magpapakasal na ang ilan sa kanilang mga kaibigan. Matatandaan na kamakailan ay na-engage ang mga matalik na kaibigan ng KathNiel na sina PBB Alumni Patrick Sugui at Aeriel Garcia.

Nilinaw din ng real-life celebrity couple na susundin pa rin nila ang kanilang orihinal na plano na magpakasal bago sila umabot sa edad na 30.

Credit: @supremo_dp Instagram

Pahayag ni Daniel, “Hindi namin pwede biglain yung mga sarili namin. Pero kasi kami parang nakaplano, eh. Nakalista yung dapat namin gawin para hindi rin kami ma-rattle sa decision na gagawin namin.”

Credit: @supremo_dp Instagram

Dagdag niya, “Kasi kapag binigla niyo yun isa’t isa, dun papasok yung mga problema, eh. Baka dun kami bigla magkaproblema… So, nilalatag muna namin yung mga bagay.”

Saad naman ni Kathryn, “May mga kaibigan kaming engaged. Gusto namin maging best bridesmaid and groomsman muna. Kasi iba din naman yung age namin sa kanila.”

Sinabi rin ni Kathryn na mayroong kanya-kanyang timing ang bawat couple pagdating sa pagpapakasal.

Credit: @supremo_dp Instagram

Giit ni Kathryn, “Iba-iba tayo ng timing lahat. Kami siguro komportable kami na bago tumalon sa ganyang klaseng buhay, kailangan ready kami because ayaw namin na masira ang relationship just because hindi kami ready pareho.”

Dagdag niya, “Ayusin muna natin yung mga kaibigan nating ikakasal. Huwag tayo magpa-pressure just because nag-propose sila, dapat kami din. Hindi. Respeto yun sa amin and sa ibang couple din na may ibang time.”

Credit: @supremo_dp Instagram

Sa huli ay napagtanto nga ng KathNiel na napakabilis lumipas ng panahon. Kung noon daw kasi, tinatanong lang sila kung kailan nila aaminin ang kanilang relasyon at ngayon nga ay tungkol sa kasal ang mga tanong na ibinabato sa kanila.

Ani Daniel, “This year mag-26 na ako. Ikaw, Love [Kathryn], mag-25 ka na. Ganito na tayo bigla…”

Patuloy naman ni Kathryn, “Dati mga tanong sa amin, ‘Kailan kayo aamin?’ Ngayon marriage na. Chill muna tayo.”