Kilalanin ang modelong kapatid nina Michele at Marco Gumabao na si Katrina na gumagawa ng pangalan ngayon sa fashion industry!

Tila nasa dugo na ng pamilyang Gumabao ang pagiging maganda at gwapo maging ang pagiging talentado!

Credit: @katgumabao_ Instagram

Una nating nakilala si Michele Gumabao bilang ang mahusay na volleyball player ng DLSU Lady Spikers. Mas lalong umugong ang pangalan ni Michele nang pasukin niya ang pageant world bilang kandidata ng Miss Universe Philippines pageant noong 2020. Hindi man naiuwi ni Michelle ang korona ay nag-iwan pa rin siya ng magandang marka sa pageant world.

Habang ang kanyang kapatid na si Marco Gumabao ay pinili namang tahakin ang mundo ng pag-arte at ngayon ay isa sa mga sinusubaybayang hunk actor sa telebisyon.

Ngunit maliban kina Michele at Marco ay may isa pang miyembro ng pamilyang Gumabao na hinahangaan din ngayon dahil sa kanyang ganda at maraming talento.

Credit: @katgumabao_ Instagram

Kilalanin si Katrina Gumabao na gumagawa ngayon ng kanyang sariling marka sa fashion industry bilang isang plus-size model.

Si Katrina ay kilala bilang isang mahusay na make-up artist, talent manager para sa kanyang mga kapatid at isang fashion model.

Credit: @katgumabao_ Instagram

Noong 2016 ay sumali si Katrina sa kauna-unahang plus-size fashion festival sa Australia na “Melbourne Fashion Week Plus”.

Pinahanga naman ni Katrina ang marami nang mapili siya ng Torrid, isang sikat na plus-size clothing company, bilang kanilang modelo para rumampa sa inaabangan ng lahat na New York Fashion Week noong 2017. Sa kanyang pagrampa sa NYFW ay talaga namang naging inspirasyon at hinangaan si Katrina ng maraming Pinoy.

Credit: @katgumabao_ Instagram

Bukod dito ay isa ring body-positive advocate si Katrina at sa pamamagitan ng kanyang social media account ay hinihikayat niya ang lahat na maging proud sa kanilang sarili anuman ang hugis ng kanilang katawan.

Iginiit naman ni Katrina na hindi ibig sabihin na dahil plus-size model sila ay isinusulong na nila ang pagkakaroon ng “unhealthy lifestyle.” Maging siya raw kasi ay may sinusunod na workout routine.

Credit: @katgumabao_ Instagram

Tinitiyak din ni Katrina na may balanced diet siya at tinututukan ang kanyang kalusugan para maging handa ang kanyang katawan sa mga hamon na ibibigay umano sa kanya ng Panginoon.

Gayunpaman, naniniwala pa rin si Katrina na kumpiyansa sa sarili at hindi ang pagbabawas ng timbang ang gamot para mawala ang negative body image ng isang tao.

Credit: @katgumabao_ Instagram

Tuloy-tuloy naman ang pagbibigay ng inspirasyon ni Katrina lalo na sa mga taong nahihirapang maalis ang kanilang negatibong pananaw sa kanilang katawan.

Sina Katrina, Michele at Marco ay nagmula sa angkan ng mga artista. Ang kanilang ama ay si dating congressman at aktor na si Dennis Roldan at ang kanilang tiyahin naman ay ang batikang aktres na si Isabel Rivas.