Kilalanin ang nakakatandang kapatid ni Kristine Hermosa na si Kathleen na tulad niya ay may taglay ding kahanga-hangang ‘mestiza beauty’ at galing sa pag-arte!

Itinuturing na isa sa mga may pinakamagandang mukha sa industriya ng showbiz sa Pilipinas ang aktres na si Kristine Hermosa.

Credit: @khsotto Instagram

Maraming puso ang nabihag ni Kristine dahil sa kanyang angking kagandahan. Hindi naman maipagkakaila ang pagkakaroon ni Kristine ng banyagang dugo dahil sa kanyang ‘mestiza beauty’ at ilan pang agaw-pansin niyang katangian.

Base sa kanyang apelyido na ‘Hermosa’ na nangangahulugang ‘maganda’ sa wikang Español, si Kristine ay may lahing Español. Bukod sa pagkakaroon ng dugong Español, nananalaytay din kay Kristine ang dugong Chinese. At siyempre, mas lalo pang pinatingkad ng kanyang pagiging Pilipino ang taglay niyang kagandahan.

Credit: @kathermosa Instagram

Mas hinangaan naman si Kristine ng marami ‘di lang dahil sa kanyang kagandahan kundi dahil din sa kanyang ipinakitang galing sa pag-arte sa mga pinagbidahan niyang teleserye. Ilan sa mga hindi malilimutang teleserye ni Kristine ay “Pangako Sa ‘Yo”, “Sanay Wala Nang Wakas” at “Dahil May Isang Ikaw”.

Ngunit ang hindi alam ng marami, nadiskubre si Kristine sa pamamagitan ng kanyang nakakatandang kapatid na si Kathleen.

12-taong gulang pa lamang noon si Kristine nang madiskubre siya at nakitaan ng potensyal na maging isang artista. Sa panahon na iyon ay nagau-audition ang kanyang Ate Kathleen para sa isang programa sa Kapamilya network. At marahil sa kanyang agaw-pansin na kagandahan, kaya naman nakatanggap ng alok si Kristine para maging artista.

Credit: @kathermosa Instagram

Masasabing naging mabilis ang pagsikat ni Kristine lalo na’t hindi lamang ang kanyang kagandahan ang maipagmamalaki niya ngunit maging ang talento niya sa pag-arte.

Tila nasa dugo na nga nina Kristine ang pagiging maganda, mestiza at pagkakaroon ng talento sa pag-arte. Patunay dito ang kanyang Ate Kathleen na tulad niya ay napakaganda rin!

Kitang-kita naman sa mestiza beauty ni Kathleen at sa kanyang napakagandang mata ang pagkakahawig nila ni Kristine.

Credit: @kathermosa Instagram

Si Kathleen ay kilala rin sa mundo ng showbiz dahil sa samu’t saring papel na kanyang ginampanan kabilang dito ang “Honesto”, “Nathaniel”, “Doble Kara”, “My Dear Heart” at “The Good Son”. Noong 2010 naman ay napabilang si Kathleen sa sikat na listahan ng magazine na FHM na “Top 100 S3xiest Women in the World”.

Makikita naman sa Instagram account ni Kathleen na malapit na malapit siya sa kanilang ina at iba pang kapatid. Mayroon pang dalawang kapatid sina Kristine at Kathleen at ito ay sina Joshua Miguel at Maxine na hindi tulad nila ay mas pinili ang pribadong buhay.

Sa ngayon ay patuloy na namamayagpag ang karera ni Kathleen bilang isang aktres. Habang si Kristine naman ay mas piniling tutukan ang lumalaking pamilya nila ng kanyang mister na si Oyo Boy Sotto.

Credit: @kathermosa Instagram

Matatandaang noong December 2020, masayang ibinalita ni Kristine ang kanyang pagbubuntis sa ikalimang anak nila ni Oyo Boy.