Kilig to the max na travel video ng magkasintahang Bea Alonzo at Dominic Roque, usap-usapan online!

Kilig to the max ang hatid ng latest vlog ni Kapuso actress Bea Alonzo sa netizens kung saan ay ibinahagi niya ang masayang bakasyon nila ng kanyang nobyong si Dominic Roque sa Amerika.

Credit: Bea Alonzo YouTube

Mula sa kanilang sweet moments sa airport hanggang sa kanilang workout sessions, road trip at food trip sa California, Los Angeles ay ipinasilip ni Bea sa kanyang vlog.

Talagang marami ang kinilig sa Part 1 ng bakasyon ng hottest celebrity couple ngayon kung saan ay nilibot nila ang ilang magagandang destinasyon sa California.

Siyempre, hindi mawawala sa bawat travel vlog ang food trip kung saan ay pinatakam nina Bea at Dominic ang kanilang milyun-milyong fans sa kanilang mga kainan session na napuno naman ng kanilang lambingan!

Credit: Bea Alonzo YouTube

Sa Day 1 ng kanilang bakasyon, sumabak muna sa workout ang magkasintahan. Anila, preparasyon umano nila ito para sa kanilang food trip.

At talaga namang napakain nang marami ang magkasintahan dahil sa masasarap na pagkain sa bawat restaurant na kanilang pinuntahan.

Credit: Bea Alonzo YouTube

Ilan lamang sa tinikman nilang mga pagkain ay seafood tulad ng king crab, clams, shrimps, anago o salt water eel at Mexican food tulad ng Tacos.

Hindi rin pinalampas ng dalawa na matikman ang ilang masasarap na pagkain at inumin sa Solvang, isang Danish village sa Santa Barbara County, California.

Credit: Bea Alonzo YouTube

Namasyal din sina Bea at Dominic sa Griffith Observatory Park kung saan ay kumuha sila ng mga larawan sa ilang filming spots ng musical romantic film na “La La Land.”

Sa kanilang road trip, makailang beses din na huminto ang magkasintahan sa daan para namnamin ang magandang view ng sunset at dagat ng California.

Samantala, marami naman ang humanga sa ganda ng pagkakakuha ng vlog ni Bea. Para sa maraming netizens, perfect ang cinematography ng vlog at maging ang piniling mga kanta nina Bea at Dominic. Mas lalo ring pinaganda ng celebrity couple ang vlog dahil sa kanilang sweet moments.

Credit: Bea Alonzo YouTube

Kaya naman hindi na nakakagulat na sa loob lamang ng isang araw ay umabot sa mahigit 1 million ang nakuhang views ng vlog, isang achievement para sa kanilang dalawa.

Bilang supportive boyfriend, pinasalamatan naman ni Dominic ang mga netizen na nanood sa vlog ni Bea.

“Mine. [heart emoji] Thanks for watching Bea’s Travel Vlog part 1,” caption ni Dominic sa sweet photo nila ni Bea sa Carmel, California.

Tila napuno naman ng kilig ang “BeaDom” fans nang magkomento si Bea sa post ni Dominic.

Ani Bea, “Kinilig ako [heart emoji]”

Matatandaang 2019 pa lumabas ang mga balitang may namamagitan sa dalawa matapos silang ma-spottan na nagdi-date sa iba’t ibang lugar. Ngunit kamakailan lamang nilang kinumpirma ang kanilang relasyon matapos ang kanilang month-long trip sa Amerika.