KZ Tandingan, gumawa ng kasaysayan matapos niyang awitin ang kauna-unahang Filipino Disney song na “Gabay”

Gumawa ng kasaysayan ang OPM singer na si KZ Tandingan bilang mang-aawit na magbibigay buhay sa kauna-unahang Disney song na nakasulat sa wikang Filipino na “Gabay”.

Credit: @kztandingan Instagram

Nitong Tuesday, March 2, inanunsyo ng sikat na animation company sa kanilang official social media accounts na si KZ ang kakanta sa isa sa mga soundtrack ng kanilang pinakabagong action-adventure fantasy film na “Raya and the Last Dragon”.

Credit: @kztandingan Instagram

Ipapakilala sa nasabing upcoming animation film ng Disney ang kauna-unahang Southeast Asian Disney princess-warrior na nilikha nila.

Umiikot ang kwento ng pelikula kay Raya, isang prinsesa na maglalakbay upang hanapin ang huling dragon na si “Sisu” na makakatulong upang maibalik ang kapayapaan sa kanilang mundo na kilala bilang “Kumandra”.

Credit: @kztandingan Instagram

Sa isang press release, ibinahagi ng Studio Marketing Head ng Walt Disney Philippines na si Allie Benedicto, na ang kwento sa likod ng nasabing pelikula ay hango mula sa kultura ng mga bansa sa Southeast Asia.

Sinabi rin ni Allie na ang kantang “Gabay” ay isang paraan nila upang ipagdiwang ang pelikula at kumonekta sa kanilang mga tagahangang Pinoy.

Credit: @kztandingan Instagram

Binigyang diin din niya na ipinapakita ng “Gabay” ang kanilang “commitment” na makipagtulungan sa “local creative talents” upang ikwento ang kanilang mga istorya “in a locally relevant manner.”

Samantala, isang malaking karangalan naman para sa “The X Factor Philippines” season 1 champion ang pag-awit niya sa kauna-unahang Filipino Disney song.

Ayon kay KZ, sobrang proud at nagpapasalamat siya dahil naging bahagi siya ng kasaysayan bilang kakanta ng kauna-unahang Disney song na nakasulat sa wikang Filipino.

Credit: @kztandingan Instagram

Pahayag ni KZ, “I am very grateful and I feel very proud to be singing in my language, and show off its beauty to the rest of the world. I am proud to be part of history.”

At bilang isang Disney fan at Southeast Asian, masayang-masaya si KZ dahil sa wakas isang Disney princess ang ginawa kung saan ay makakaramdam siya ng labis na “connection”.

Credit: @kztandingan Instagram

“I grew up watching Disney movies. Finally, there is a Disney Princess who I can feel a very strong connection to, and that is Raya as the first one inspired by Southeast Asia,” ani KZ.

Personal din na mahal ni KZ ang awiting “Gabay” sapagkat pinapaalala umano nito sa atin ang kahalagahan ng pagtitiwala sa isa’t isa, pagsasama at pagkakaisa para mabago natin ang mundo.

Ani KZ, “I love that the song reminds us that sometimes we feel we are weak, especially when we are alone, but if we just learn to trust each other, to come together, and to unite, only then are we able to change the world.”

Simula bukas, March 5, maririnig ang kantang “Gabay” sa sikat na music streaming site na “Spotify” kasabay ng paglabas ng nasabing pelikula sa Disney+ sa Amerika.