Isa sa mga hinahangaang aktres ngayon sa industriya ng showbiz si Kapamilya actress Loisa Andalio.
Sumikat si Loisa matapos sumali sa sikat na Kapamilya reality show na Pinoy Big Brother noong 2014.
Simula nang pumasok sa showbiz ay maraming biyaya na ang dumating kay Loisa at sa kanyang pamilya.

Sa dami ng acting project, show, modelling at maging singing opportunity na dumating kay Loisa ay hindi na nakapagtataka kung bakit nakapagpundar siya ng mga ari-arian sa edad na 21.

Dahil sa kanyang pagsisikap sa pagtatrabaho bilang artista ay natupad ni Loisa ang kanyang pangarap na magkaroon sila ng kanyang pamilya ng sariling bahay.
20 taon din na nakikitira lamang si Loisa at ang kanyang pamilya sa kanilang mga kamag-anak.
Kaya naman goal talaga ni Loisa na makapag-ipon para makabili siya ng bahay para sa kanyang pamilya.

Ipinasilip naman ni Loisa sa joint YouTube channel nila ng kanyang boyfriend na si Ronnie Alonte ang naipagawa niyang bahay para sa kanyang pamilya.
Ayon kay Loisa, tatlong taon pa lamang umano siya sa showbiz ay nabili na niya ang bahay.

Kwento ni Loisa sa vlog, “Three years pa lang ako sa showbiz, nakuha na namin itong bahay na ito. Kasi dati talaga noong bata ako, nakikitira lang talaga kami sa mga tito, tita.”
Ikwenento rin ni Loisa na umabot ng isang taon bago natapos ang pagpapagawa nila sa bahay dahil inu-unti-unti nila ang pagpapagawa rito.

“Ito na ‘yung talagang pinakasagad nang pinaghirapan namin. Parang ilang years ginawa itong bahay, parang 1 year. Kumbaga, ‘Oh ‘pag may pumasok sa akin na raket, o ito naman bintana naman’. ‘Yung mga ganun, kaya unti-unti siyang nabubuo,” ani Loisa.

Simple lamang ang desenyo ng bahay nila Loisa. Sa kanilang house tour vlog, ipinakita ni Loisa ang kusina, kwarto ng kanyang ina at mga kapatid. Mayroon din itong guest room para sa mga bisita pati na rin storage room.

Ibinunyag din ni Loisa na hindi sila kumuha ng architect na magde-desenyo sa kanilang bahay.
Aniya, “Itong bahay na ito, hindi talaga kami nagpa-architect. Lahat ‘to as in kami lang nag-design nito lahat. Akala mo naman talaga may ka-design-design.”

Sa huling bahagi naman ng house tour, pinuntahan naman nina Loisa at Ronnie ang nabiling bahay at lupa ng aktres para sa kanyang sarili.
Ngayong taon lamang nabili ni Loisa ang sarili niyang bahay. Inamin ni Loisa na hinikayat umano siya ng kanyang ina na bumili ng kanyang sariling bahay.

Ani Loisa, “Itong bahay na ito ay this year ko lang nakuha para sa akin, sa sarili ko. Si Mama talaga mahilig mag-push sa akin na bumili ng ganito. Kaya dito namin napili kasi magkakapitbahay lang kami. Nakita niyo naman di ba, ‘yung nilakad natin? Doon lang galing, tapos dito.”