Malaki ang impluwensiya ng aktres at modelo na si Anne Curtis sa fashion industry sa Pilipinas. Ang kanyang istilo sa pananamit ay madalas ginagaya at sinusundan ng mga netizen sa social media.
Madalas din siyang pag-usapan dahil sa ganda ng mga damit na kanyang isinusuot.

Kamakailan lamang, hot topic sa social media ang outfit ni Anne na isang Louis Vuitton dress dahil may pagkakatulad umano ang kulay at desenyo nito sa uniporme ng mga service crew ng Jollibee.
“Jollivuitton”, ito ang bansag ng mga netizen sa outfit ni Anne na makikita sa larawan na kanyang ipinost sa Instagram.
Suot ang LV dress at isang LV bag ay nag-pose si Anne at ipinakita ang kanyang “game face on” expression. Sa unang tingin hindi mo agad mapapansin na gawa ito ng kilalang luxury brand.

Maraming netizens ang nagkomento na noong una nilang makita ang outfit ni Anne naisip nila na para ito sa isang Jollibee endorsement.
Kilala si Anne bilang endorser ng Jollibee kaya naman inakala nilang pino-promote lamang ng aktres ang nasabing fast food chain.
Isang netizen ang nag-komento at sinabing akala niya bagong uniporme ng Jollibee ang suot ni Anne na LV dress.

Ani netizen, “I thought this is the new Jollibee Unifrom HAHA. Pretty!!”
Isa pang netizen ang nagkomento na ang LV dress ni Anne ay “sosyal” na bersyon lamang ng nasabing uniporme ng Jollibee.
“Hindi mo kami maloloko @annecurtissmith uniform yan sa jollibee LV pa…sosyal,” komento ng nasabing netizen.

May isang netizen din ang pabirong umorder sa pag-aakalang isang service crew ng Jollibee si Anne dahil sa kanyang suot.
Aniya, “Hi ms anne! Order po ng c3 and c1 char hahahaha”
Gayunpaman, hindi maipagkakailang bagay na bagay kay Anne ang dress na kabilang sa Game On! LV Cruise 2021 collection.

Sa panahong isinusulat ito, pinusuan na ng mahigit 200K na netizen ang Instagram photo ni Anne.
Si Anne ay naka maternity leave pa rin simula pa noong December 2019 at kasalukuyang nananatili sa Melbourne, Australia.
Kasama ni Anne ang kanyang asawang si Erwan Heaussaff pati ang kanilang siyam na buwang gulang na anak na si Dahlia Amèlie.