Mga bida ng sikat na Korean series na “Crash Landing On You” na sina Son Ye-Jin at Hyun Bin, ikakasal na!

Wala nang makakapigil pa sa pag-iisang dibdib ng dalawang bigating South Korean actors na sina Son Ye-Jin at Hyun Bin matapos nilang opisyal na inanunsyo ang kanilang engagement.

Credit: @yejinhand Instagram

Nitong February 10 lamang, masayang ibinalita ng real-life celebrity couple sa kanilang fans ang desisyon nilang ilagay sa next level ang kanilang relasyon.

Sa pamamagitan ng isang sulat na ibinahagi ni Hyun Bin sa Instagram account ng kanyang agency na Vast Entertainment, sinabi niyang nais niyang ipaalam sa mga taong sumusuporta sa kanya ang isang mahalagang desisyon na kanyang ginawa at ito nga ay ang pakasalan si Ye-Jin.

“There are people who guess, right? Yes, I made an important decision to get married, and I’m going to carefully step into the second phase of my life,” pahayag ni Hyun Bin.

Credit: @yejinhand Instagram

Ayon din sa aktor, pinag-isipan niyang mabuti ang desisyon niyang ito na magpakasal. Hangad naman ni Hyun Bin ang suporta at pagmamahal ng marami niyang fans sa panibagong kabanata na tatahakin niya kasama si Ye-Jin.

Saad niya, “Promised her I will always make her smile. To walk together through the coming days. I think you’ll cheer for our first steps with the warm and affectionate love you’ve sent us so far. Then I hope everyone stays healthy until the days we meet and greet.”

Sa kanyang Instagram account, ipinahayag din ni Ye-Jin ang desisyon niyang magpakasal. Sinabi niyang nakita na niya ang lalaking makakasama niya sa buhay sa katauhan ni Hyun Bin. Pag-amin niya, “it happened naturally.” Hindi rin umano niya maiwasan na isipin na nakatadhanang mangyari ang lahat.

Credit: @yejinhand Instagram

“It happened so naturally… But, isn’t that destiny?” ani Ye-Jin.

Dagdag niya, “Just being with him, I feel warm and protected.”

At tulad ni Hyun Bin, hangad din ni Ye-Jin ang suporta ng fans sa kanilang pag-iisang dibdib. Pinasalamatan din niya ang marami niyang fans sa pagmamahal na ibinigay ng mga ito sa kanya.

Sabi niya, “And to my dearest fans, I have received unconditional love and for a long time now, I thought, there’s no way to repay it. Please know that I’m infinitely grateful and I also wish you all happiness!”

Credit: @hyunbin_actor Instagram

Matatandaan na marami ang na-hook sa drama series na pinagbidahan nina Ye-jin at Hyun Bin na “Crash Landing On You” na ipinalabas noong 2019 kung saan tumatak ang kanilang mga karakter na sina “Yoon Se-Ri” at “Captain Ri Jeong-Hyeok.”

At bagama’t natapos ang kanilang serye, nagtuloy-tuloy naman ang kilig na hatid nila sa fans nang kumpirmahin nila ang kanilang relasyon noong January 2021.

Credit: @hyunbin_actor Instagram

Samantala, batay sa inilabas na pahayag ng agency ni Ye-Jin na MS Team Entertainment, gaganapin ang kasalan ng dalawang South Korean stars sa susunod na buwan sa Seoul, South Korea.