Mga Kapamilya actress na sina Ivana Alawi, Liza Soberano at Janine Gutierrez, namayagpag sa taunang listahan ng “100 Most Beautiful Faces” ni TC Candler

Kilala ang Pilipinas bilang tahanan ng maraming magagandang babae. At muli nga nating napatunayan na kabilang ang Pilipina sa mga pinakamagandang babae sa mundo.

Kamakailan lamang ay namayagpag ang gandang Pilipina sa buong mundo. Ito ay matapos muling makapasok sa taunang listahan na inilalabas ng The Independent Critics by TC Candler na “100 Most Beautiful Faces of 2021” ang ilan sa mga hinahangaang Pinay celebrity ngayon sa telebisyon man o sa social media na sina Ivana Alawi, Liza Soberano at Janine Gutierrez.

Credit: @ivanaalawi Instagram

Ngayong taon, pang-apat sa listahan ng mga magagandang mukha sa mundo batay sa listahang inilabas ni TC Candler si Ivana na kamakailan ay pinangalanan naman ng Google Philippines bilang nangungunang YouTube content creator para sa taong ito.

Habang ang kapwa niya Kapamilya actress na si Liza na matatandaang itinanghal bilang “The Most Beautiful Face” ni TC Candler noong 2017 ay nasa ika-18 pwesto ngayong taon.

Credit: @lizasoberano Instagram

Isa ring Kapamilya actress, unang beses namang makapasok sa listahan ni Janine at siya ay hinirang bilang pang-78 babaeng may pinakamagandang mukha sa buong mundo.

Lingid sa kaalaman ng lahat, inaabangan ng marami ang prestihiyosong “100 Most Beautiful Faces” list ni TC Candler. Taun-taon itong inilalabas ni TC Candler at ng The Independent Critics mula pa noong 1990.

Credit: @janinegutierrez Instagram

Ang listahan ay base sa nominasyon na kanilang natanggap mula sa milyun-milyong netizens. Ayon naman kay TC Candler, hindi lamang ‘aesthetic perfection’ ang kanilang batayan sa pagpili ng mga babae na makakapasok sa kanilang listahan, ngunit kabilang din sa kanilang batayan ang taglay na “grace, elegance, originality, daring, passion, class, poise, joy, promise, hope” ng isang babae.

At sa mga nagdaang taon, palaging nasa listahan ang ilang kilalang Pinay celebrities, isang patunay na pagdating sa kagandahan, hindi magpapahuli ang gandang taglay ng isang Pilipina!

Samantala, hinirang ni TC Candler ang Thai singer-rapper na si Lalisa Manoban o mas kilala bilang ‘Lisa’ ng kilalang South Korean girl group na ‘BLACKPINK’ bilang “Most Beautiful Face” ngayong taon. Maaalalang pumangalawa sa listahan noong nakaraang taon ang nasabing Thai singer-rapper.