Mga netizen, kinilig dahil inakalang in a relationship na ang magbestfriend na sila Arci Muñoz at JM de Guzman

Naging usap-usapan sa social media ang Instagram post ng aktres na si Arci Muñoz kung saan ay tila may ipinapahiwatig siya tungkol sa real score sa pagitan nila ng aktor na si JM de Guzman.

Credit: @ramonathornes Instagram

Noong April 4, nag-post si Arci sa kanyang Instagram ng isang litrato kung saan makikita siyang nagbabakasyon kasama ang kanyang pamilya at si JM sa Boracay.

Maliban sa nasabing larawan, ipinost din ni Arci ang isang teaser video kung saan mapapanood naman si JM na binibigyan siya ng bouquet ng bulaklak.

Mas lalo namang naghinala ang mga netizen na may “something” higit pa sa pagkakaibigan na namamagitan kina Arci at JM.

Credit: @ramonathornes Instagram

Matapos kasing ibigay ni JM ang bulaklak, tinanong niya si Arci kung maaari ba siyang manligaw.

“Matagal na tayong mag-bestfriend…pero pwede bang manligaw?” tanong ni JM kay Arci.

Isinulat din ni Arci sa caption na siya ay natutuwa dahil nasaksihan umano ng kanyang pamilya ang “beautiful moment” na nangyari sa Boracay.

Ani Arci, “Just really glad that the whole family was able to witness this beautiful moment.”

Credit: @ramonathornes Instagram

“May forever”, “From bestfriends to lovers”, at “right time”, ito naman ang mga ginamit na hashtag ni Arci sa kanyang post.

Kaya naman hindi maiwasan ng marami na magkomento sa ipinost ni Arci. Hula ng kanyang mga tagahanga na may relasyon sila ni JM base sa kanyang post.

Lalo nang mag-post din si JM sa kanyang Instagram ng sweet photo nila ni Arci.

Ngunit para pala kay Arci ay hindi pa natatapos ang ‘April Fool’s Day’ dahil isang prank o biro lamang ang kanyang naging post!

Credit: @ramonathornes Instagram

Napaniwala nga ni Arci ang maraming netizens sa kanyang viral Instagram post.

Sa inilabas na vlog ni Arci na may pamagat na “Boracay Revelation” ngayong araw, April 5, nalantad na hindi pala para sa kanya ang bulaklak na dala ni JM kundi para sa kanyang kapatid na babae na na-engage habang nagbabakasyon sila sa isla.

Ang sinasabing ‘beautiful moment’ nga ni Arci sa kanyang Instagram post ay ang engagement ng kanyang kapatid.

Samantala, maraming netizens naman ang tila hindi na magugulat kung sasakaling mauwi man sa pag-iibigan ang pagkakaibigan nina Arci at JM dahil may chemistry nga naman sila at sobrang bagay sa isa’t isa.

Matatandaang nagsimula ang pagkakaibigan nina Arci at JM noong sila ay nasa kolehiyo pa. At noong nakaraang taon, pareho silang sumabak sa Citizen Military Training para maging Air Force Reservist. Nagkasama naman sila sa pelikulang “Last Fool Show” at teleseryeng “Pamilya Ko”.

Kapansin-pansin din sa mga social media post ni Arci na malapit si JM sa kanyang pamilya. Kaya naman hindi maiwasan ng kanilang tagahanga na hilingin na sana ay magkatuluyan sila sa huli.