Kilala si ‘It’s Showtime’ host, dancer at actor na si Vhong Navarro sa kanyang pagiging maporma. Isa na nga rin si Vhong na maituturing na fashion icon sa telebisyon.

Kaya naman isa sa request ng kanyang subscribers sa YouTube na makita ang kanyang walk-in closet.
Pinaunlakan naman ni Vhong ang request ng kanyang mga subscribers.
Sa kanyang pinakabagong vlog, maraming netizen ang nalula dahil sa koleksyon niya ng sapatos at relo pati na rin sa kanyang ‘store-inspired’ closet.

Sa kanyang YouTube channel ay ipinakita ni Vhong ang kanyang dalawang palapag na walk-in closet na punong-puno ng iba’t ibang koleksyon niya ng sapatos, relo at damit.
Karamihan sa koleksyon ng sapatos ni Vhong ay rare pieces at ilan sa mga ito ay pinasadya pa ang desenyo. May ilan din na siya mismo ang nagdesenyo.

Sa unang palapag, ibinida ni Vhong ang ilan sa koleksyon niya ng Basketball shoes. Kabilang dito ang koleksyon niya ng sapatos ng Basketball legend na si Kobe Bryant. Karamihan sa Nike Kobe shoe collection ni Vhong ay mga special edition. Isa na rito ay ang sikat na Nike ‘Ashton Martin’ Kobe model.

Mayroon ding sapatos si Vhong na mula sa Nike Kyrie Spongebob Squarepants collection.
Ikinuwento ni Vhong sa vlog na dahil sa dami ng kanyang sapatos kaya’t naisipan niyang palagyan ng drawers ang kanyang hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng walk-in closet.

Laman ng ipinagawa niyang drawers ay ang hindi mabilang niyang koleksyon ng Vans. Karamihan sa mga ito ay pina-customize pa ni Vhong ang desenyo sa kanyang high school classmate. Kasama sa Vans shoes ni Vhong ay ang kanyang Starwars collection at ang kanyang customized Vans shoes na may desenyo ng mga karakter niya sa pelikula kagaya ng Lastikman at Gagamboy pati na rin mga paborito niyang hollywood movie characters.

Pagkukuwento niya, “Kung ano ‘yung pwede nating malagyan ng mga sapatos pwedeng cabinets ginawa na namin. Sinuggest ko ‘to sa Architect na parang gusto kong ma-maximize lahat ng mga lalagyan ng sapatos.”

Sa ikalawang palapag ay matatagpuan din ang ‘di mabilang niyang koleksyon ng sapatos. Kabilang sa mga ito ay mula sa mga kilalang brand kagaya ng Nike, Adidas, Alexander Wang, Dior, Human Race at Balenciaga.

Sunod na ipinakita ni Vhong ang kanyang koleksyon ng relo pati sunglasses na kagaya ng kanyang mga sapatos ay hindi rin mabilang.

Dumako naman siya sa mga lalagyanan niya ng damit na mall o may ‘store’ inspired ang desenyo. May glass cabinets ito na puno ng iba’t ibang damit ng aktor. Bukod sa kanyang mga rubbershoes ay may koleksyon din si Vhong ng leather shoes.

Samantala, unang bahagi pa lang ito ng kanyang house-tour at walk-in closet tour kaya’t hindi na makapaghintay ang netizens sa susunod niyang vlog.