Neri Naig, ibinahagi ang nakakatawang date experience nila ni Chito Miranda sa isang mamahaling restaurant sa Tagaytay

Isa sina Chito Miranda at Neri Naig sa mga celebrity couple na tinitingala ng maraming netizens. Napakaraming tao ang talagang humahanga sa mag-asawa dahil kahit na ilang taon na silang kasal, hindi pa rin kumukupas ang ‘sweetness’ nila sa isa’t isa at maging ang ‘spark’ sa kanilang relasyon.

Credit: @mrsnerimiranda Instagram

Sa katunayan, kamakailan lamang ay nag-date ang celebrity couple. Importante nga naman sa mag-asawa na kahit paminsan-minsan ay lumabas o mag-date ng silang dalawa lamang. Mas napapagtibay kasi nito ang kanilang pagsasama.

Nagtungo nga sina Chito at Neri sa Antonio’s, isang sikat at dinarayong fine-dining restaurant sa Tagaytay City. Pero ang dapat sana’y romantic date ng mag-asawa ay nauwi sa katatawanan.

Sa isang Instagram post, ikwenento ni Neri ang kanilang masayang experience sa nasabing restaurant.

Credit: @mrsnerimiranda Instagram

Kwento pa ni Neri, hindi pa man sila nakakarating sa Antonio’s ay kinailangan na nilang bumalik sa kanilang bahay. Hindi umano kasi angkop ang suot na shorts ni Chito sa dress code ng nasabing mamahaling restaurant.

“Date night with my husband sa Antonio’s. Syempre para kunware nakakaluwag luwag na talaga kami sa buhay, sa Antonio’s tayo mag-date! Kaso papunta palang kami, napabalik kami sa house kase naka shorts si Chito at bawal ang nakashorts,” lahad ni Neri.

“Sabi ni Chito, pakisabi 5k naman ang shorts ko na nabili sa 511 baka pasado na raw yun, haha! Sabi ko magpantalon na sya,” dagdag niya.

Credit: @mrsnerimiranda Instagram

Ngunit hindi pa rito natatapos ang masayang experience ng mag-asawa dahil nang binigyan sila ng tinapay ay nagreklamo na naman ulit ang frontman ng “Parokya ni Edgar.”

“While waiting sa order namin, syempre gutom na gutom na kami, tig-half bread ang binigay sa amin. Sinabi ni Chito sa akin, bakit hati tayo sa bread? Ang mahal mahal ng resto, bat nagtitipid daw sa bread? Haha! Tawang tawa talaga ako sa kakengkoyan ng asawa ko,” pagbabahagi pa ni Neri.

At sabi nga nila, “save the best for last” dahil ang pinaka-epic na reaksyon ni Chito sa kanilang whole date-night experience na mag-asawa ay nangyari nang magbabayad na sila ng bill.

Credit: @mrsnerimiranda Instagram

Mukhang nalula talaga si Chito sa halaga ng kinain nila dahil natanong pa umano nito kung pwede bang installment o patingi-tingi ang pagbabayad nila sa restaurant. Ha-haha!

“Pero ang mas epic yung magbabayad na at nakita nya yung bill, inabot ang card at sabay tanong…. pwede installment? Mga 6 months?” pagbabalik-tanaw ni Neri.

Sa huli, sinabi naman ni Neri na natawa na lamang siya sa mga reaksyon ni Chito. Iginiit pa niyang hindi siya nahihiya sa mga punchline ng kanyang asawa bagkus ay nasisiyahan umano siya sa mga ito.

Credit: @mrsnerimiranda Instagram

Sina Chito at Neri ay ikinasal noong 2014. Sila ngayon ay mayroong dalawang anak na lalaki na sina Miguel o Miggy at Manuel Alfonso “Cash” Miranda.