Paolo Contis, bibigyan ng regalo ang birthday celebrant na nagviral nang makatanggap ng makeshift cake na may mukha ng aktor

Isang office worker na nagdiwang ng kaarawan ang nagviral ngayon. Ito ay dahil sa sorpresang makeshift cake na kanyang natanggap.

Credit: @paolo_contis Instagram

Makikita sa Homepaslupa Buddies Facebook page ang larawan ni Katrina David, ang nasabing birthday celebrant na may hawak na isang kahon kung saan nakapatong ang ilang piraso ng manggang hinog at ilang pakete ng Bravo Biscuits. Pabilog na itinali ang mga iyon gamit ang kulay beige na ribbon para maghugis “cake.”

Credit: @homepaslupabuddies Facebook

Sa gitna ng mga biscuit ay nakasindi ang birthday candle at mayroon pang larawan ng aktor na si Paolo Contis para palabasin na kunwari’y galing iyon sa sikat na Conti’s Bakeshop and Restaurant.

Ang cake na Mango Bravo ng nasabing bakeshop ang inspirasyon sa pagbuo nito na nagkakahalaga ng Php1,490. Ang mini version naman ay Php895 at pwede ring makabili ng isang slice nito sa halagang Php245.

“Hi mga kaslapsoil. Share ko lang nagawa naming kabutihan. Naiyak officemate namin ‘di expect na gagastusan talaga namin b-day n’ya. Tamang ambagan lang malayo talaga mararating,” pabirong caption sa post ng officemate ni Katrina na si Cheenz Olalia Malang.

Credit: @paolo_contis Instagram

Naaliw ang mga netizens sa paandar ng kaibigan ni Katrina na si Cheenz na member ng “Homepaslupa Buddies Facebook page” kung saan “Slapsoils” ang tawag sa mga miyembro at followers ng sikat na online group/page na literal na Ingles ng salitang ‘h@mpaslupa’.

Makikita ang pagiging creative ng mga ito sa paggawa ng sarili nilang version ng Mango Bravo cake ng Conti’s Bakeshop and Restaurant, kaya naman agad na nagviral ang nasabing post na naka-tag pa ang pangalan ni Paolo Contis hanggang makaabot iyon sa aktor.

Credit: @paolo_contis Instagram

“Ang daming nag-tag sa ‘kin nito. Hanep talaga taba ng utak ng Pinoy. Lalo na ang mga slapsoils. May nakakaalam ba sino ‘tong si ate? Paki-tag naman siya nang makausap ko at mapadalhan ko ng tunay na cake. Pero guys, ipapaalala ko lang ha…hindi po sa ‘kin ang Conti’s Bakeshop,” ani Paolo sa post sa kanyang Facebook page.

Credit: @paolo_contis Instagram

Marami ang humanga sa aktor na si Paolo Contis na hindi napikon sa biro ng mga netizen bagkus ay pinuri pa ang creativity at simpleng kasiyahan ng mga slapsoil at niregaluhan pa ito ng tunay na cake.