Marami ang pumapasok sa industriya ng showbiz sa kagustuhang makaahon sa kahirapan at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Isa na rito ang tubong Bohol na si William “Yamyam” Gucong.
Credit: @gucongyamyam Instagram
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na maagang namulat si Yamyam sa kahirapan at pagbabanat ng buto upang makatulong sa kanyang mga magulang at kapatid.
Sinubukan nga ni Yamyam ang kanyang swerte sa pag-aartista nang sumali siya sa Kapamilya reality show na “Pinoy Big Brother 8” noong 2019, kung saan itinanghal siya bilang “Ultimate Big Winner”.
Matatandaang matapos manalo ay nagtuloy-tuloy na ang pagsikat ni Yamyam at napakaraming blessings din ang bumuhos sa kanya.
Ngunit sa kabila ng kanyang tinatamasang kasikatan at tagumpay, nanatiling mapagpakumbaba si Yamyam. Sa katunayan, higit sa pera ay napakahalaga kay Yamyam ang kanyang pamilya.
Credit: @gucongyamyam Instagram
Handang-handa na nga si Yamyam sa buhay may-asawa at patuloy siyang nagsusumikap na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang magiging pamilya.
Noong Oktubre 2021 naman ay ibinahagi ni Yamyam na engaged na sila ng longtime girlfriend niyang si Elaine Toradio.
Ang magandang balitang ito ay nasundan pa dahil makalipas lamang ang ilang buwan at sa mismong kaarawan niya noong December 8, ibinalita naman ni Yamyam na magiging tatay na siya.
At ngayong araw lamang, February 21, masayang ibinahagi ni Yamyam na isa na siyang ganap na tatay.
Credit: @gucongyamyam Instagram
Winelcome nila ni Elaine ang isang napakalusog at napaka-cute na baby girl na pinangalanan nilang Aliah Kaye.
Agad namang ipinakita ni Yamyam sa kanyang mga kaibigan sa showbiz at tagahanga ang bagong biyayang ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon.
Sa kanyang post ay sinabi ni Yamyam, “Welcome to the outside world baby ALIAH KAYE (baby ALI).”
Siyempre, si Fumiya at Lou Yanong na kasama at naging matalik na kaibigan ni Yamyam sa loob ng Bahay ni Kuya ang nanguna sa pagbati kina Yamyam at Elaine.
Credit: @gucongyamyam Instagram
Marami ring fans ang natuwa para kina Yamyam at Elaine sa pagdating ng kanilang panganay at bumaha ng pagbati para sa kanila.
Samantala, matatandaan na noong nakaraang taon ay ipinasilip ni Yamyam ang bagong bahay na kanyang ipinapagawa para sa kanyang pamilya. Bukod dito, nagbukas din ng bagong negosyo si Yamyam sa kanilang probinsya.
Sa pagdating ng kanyang anak at pagpasok sa bagong yugto ng kanyang buhay, talagang sinisigurado ni Yamyam na mabibigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya.