Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz, nagbigay-karangalan nang masungkit ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics!

Nagbubunyi ngayon ang sambayanang Pilipino sa pagkapanalo ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ng gintong medalya sa Olympics 2020 na ginanap sa Tokyo, Japan.

Credit: @hidilyndiaz Instagram

Halu-halong emosyon ang naramdaman ng maraming Pinoy sa tagumpay ni Hidilyn dahil sa wakas matapos ang 97 taon mula nang sumali ang Pilipinas sa Olympics ay nakasungkit din ang bansa ng isang gintong medalya.

Itinanghal na gold medalist si Hidilyn sa women’s 55 kilograms weightlifting competition kung saan ay nakapagtala rin siya ng bagong Olympic record.

Sa sn@tch ay binuhat ni Hidilyn ang isang 97kg barbell. Naging emosyonal naman si Hidilyn pagkatapos niyang matagumpay na mabuhat para sa clean and jerk routine ang bigat na 127kg na siyang nagbigay sa kanya ng gintong medalya.

Credit: @hidilyndiaz Instagram

Bukod naman sa gintong medalya, pinahanga rin ni Hidilyn ang buong mundo matapos siyang magtala ng bagong Olympic record bilang kauna-unahang weightlifter na bumuhat ng may kabuuang bigat na 224kg weights.

Tinalo ni Hidilyn ang pambato ng China na si Liao Quiyun na itinanghal lamang na silver medalist sa kumpetisyon.

Samantala, usap-usapan ngayon sa social media ang pagkapanalo ni Hidilyn. Sa Twitter, top-trending ang pangalan ni Hidilyn Diaz kasunod ng pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay naman ng kanyang huling SONA kahapon, July 26.

Credit: @hidilyndiaz Instagram

Lingid sa kaalaman ng lahat, mula nang sumali ang Pilipinas sa Olympics noong 1924 ay ngayon pa lamang ito nakapag-uwi ng gintong medalya.

Kaya naman talagang nakakapanindig balahibong marinig na pinapatugtog sa Olympics awarding ceremony ang national anthem ng Pilipinas.

Maliban dito, labis-labis din ang emosyon ng maraming Pinoy nang itinaas bilang una ang bandila ng Pilipinas.

Credit: @hidilyndiaz Instagram

Bumuhos din ang pagbati at mensahe ng ilang Pinoy celebrity para kay Hidilyn sa social media.

Post ni Gary Valenciano, “I’m speechless!!!!!! THIS IS SOOOOO AMAZING!!!! OUTSTANDING!!! FABULOUS!!! The Philippines’ FIRST gold ever in the Olympics!!! #HidilynDiaz #hidilynwinsgold #olympicchampion”

“@Hidilyndiaz thank you for carrying us all!!!” ani Bela Padilla.

Saad naman ni Lea Salonga, “The most emotional part was hearinig our National Anthem being played. Nic and I stood, hands on hearts, and cried. Mabuhay ka, @Diaz_Hidilyn!”

“Sobrang nakaka-proud ka @diaz_hidilyn Maraming salamat at Congratulations! Mabuhay ka! Mabuhay ang Pilipinas!” ani Vhong Navarro.

Matatandaang taong 2016 ay gumawa rin ng kasaysayan si Hidilyn matapos niyang masungkit ang silver medal sa women’s 53kg weightlifting division sa Rio Olympics.