Producer ng “Hello, Love, Goodbye”, ini-reveal na ang LizQuen sana ang bibida sa nasabing pelikula

Marami ang nagulat sa rebelasyong ginawa ni Direk Olivia Lamasan tungkol sa romantic drama film na “Hello, Love, Goodbye” na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Credit: @hellolove.ethanjoy Instagram

Nitong October 17 lamang, napanood ng maraming netizens ang masaya at puno ng inspirasyong panayam ni “Ultimate Multimedia Star” Toni Gonzaga sa batikang direktor kung saan isa sa kanilang pinag-usapan ay ang proseso ng pagbuo ng magagandang pelikula na kanilang ginagawa. Kasama na rito ang proseso ng pagpili nila ng mga artista na bibida sa naisip nilang pelikula.

Ibinunyag nga ni Direk Olive na ang dapat sanang bibida sa nasabing pelikula ay ang real-life celebrity couple na LizQuen o ang tambalang Liza Soberano at Enrique Gil.

Credit: @lizasoberano Instagram

Pag-amin pa ng batikang film producer at tumatayong managing director ng ABS-CBN Films, nabuo ang konsepto ng “Hello, Love, Goodbye” dahil sa hangarin nilang makagawa muli ng isang pelikula na pumapaksa sa buhay ng mga kababayan nating OFW tulad ng mga classic OFW films na “Anak” at “Milan”.

“I gathered the creatives…’Sige nga, isip-isip tayo…’ Tapos wala rin ‘no…pero nu’ng patayo na ako biglang (pasok ng ideya)…’What’s our next ‘Milan’? What’s our next ‘Anak’? What’s our next OFW story?” kwento pa ni Direk Olive.

Credit: @hellolove.ethanjoy Instagram

Ikwenento ni Direk Olive na ang unang loveteam na napili nilang gaganap sa nasabing box-office hit film ay ang LizQuen. Pero noong mga panahong umanong iyon ay nakatakda nang gaganap si Liza bilang “Darna”.

Inamin din ni Direk Olive na bukod sa LizQuen, naisip din nila ang tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla bilang gaganap na bida sa pelikula. Hanggang sa huli, napili nilang ipares sa unang pagkakataon sina Kathryn at Alden.

“And then ‘yung sa ‘Hello, Love, Goodbye’ originally, LizQuen yan eh and then it became Kathryn-DJ. And then, ‘yun, it became Kathryn-Alden,” paglalahad ni Direk Olive.

Credit: @hellolove.ethanjoy Instagram

Taong 2019 ay gumawa ng kasaysayan ang romantic drama na “Hello, Love, Goodbye” sa ilalim ng direksyon ni Cathy Garcia Molina na prinoduce naman ng Star Cinema matapos itong ideklara bilang “highest-grossing film of all time” sa bansa.

Matatandaang umani ng maraming papuri ang hindi matatawarang pagganap nina Kathryn at Alden sa nasabing pelikula na kahit unang beses magtambal sa isang proyekto ay kahanga-hanga ang ipinakitang chemistry bilang isang loveteam.