Nagbigay ng update si Kapuso actress Rich Asuncion sa kanyang buhay sa Australia.

Sa isang Instagram post, masayang nagkuwento si Rich tungkol sa kanyang buhay sa Australia na naiiba sa kanyang buhay sa Pilipinas bilang isang celebrity.
Malayo sa kanyang trabaho bilang artista, ipinagmamalaki ni Rich na sabihin na nagtatrabaho siya bilang isang waitress sa isang restaurant sa Australia.

Aminado si Rich na noong una ay nahirapan umano siyang tanggapin ang kanyang bagong trabaho ngunit kalaunan ay natanggap na rin naman daw niya.
Ayon pa kay Rich, napagtanto niya na walang mali sa pagiging isang waitress lalo na’t may kaalaman din siya sa nasabing trabaho dahil sa kurso niya sa University of the Philippines na Tourism.

Itinuturing din ni Rich na isang ‘blessing’ ang pagkakaroon niya ng trabaho sa panahong ito ng p@ndemya.
Ani Rich, “At wala akong karapatan maginarte kasi nabigyan ako panibagong chance to start anew. My point here is, I know most of us will need to adjust to a new/different life after this p@ndemic. And that’s not all that bad. To be able to survive through this is already a blessing.”

Masayang ibinalita rin ni Rich na nakapag-enrol na siya sa isang kurso para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Bukod sa kanyang trabaho bilang isang waitress, masaya rin si Rich dahil inalok siya ng isang full-time na trabaho sa isang Daycare kung saan maaari siyang makapagtrabaho nang malapit sa kanyang anak.
Ibinahagi rin ni Rich na malapit na silang magkaroon ng kanyang pamilya ng kanilang sariling bahay sa Australia.

“P.S. Ben and I have also just put down a reservation for our future home here in Australia. What a blessing!🏡,” kwento ni Rich.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi rin ni Rich ang mahahalagang aral na natutunan niya mula sa kanyang mga karanasan.

Ani Rich, “As hard as it may seem, look for the silver lining. Hold on and say I am still a champion. Be grateful because some people have lost more than you already have.”
Dagdag niya, “Sa ngayon ay tanggap ko na at masaya na ko sa bago kong buhay kasama ang aking pamilya. 😊 Life is indeed a journey full of highs and lows but you should never stop moving and you always keep moving forwards.”

Unang nakilala si Rich bilang First Princess ng talent search na StarStruck noong 2004. Noong 2009 naman ay hinirang siya bilang first runner-up ng Binibining Pilipinas.
Ang huling proyekto na ginawa ni Rich ay ang Kapuso drama series na “Dahil sa Pag-ibig” noong 2019.