“I feel it. I really feel na ito na talaga ‘yun eh.”

Ito ang naging sagot ni Kapamilya TV host Robi Domingo nang tanungin siya ng “Magandang Buhay” kung nararamdamang na ba niyang ang babaeng papakasalan niya balang araw ay ang non-showbiz girlfriend niya ngayon na si Maiqui Pineda.

Sa kanyang guesting sa Kapamilya talk show noong October 9, ay ibinahagi rin ni Robi na bago sila dumating sa kasalan ni Maiqui ay nais muna raw nilang maging matagumpay at stable ang kanilang career.

Ani Robi, “Kapag narating ko na ‘yung status sa aking trabaho. Basta may pangarap ako para sa sarili ko rin na gusto kong maabot. At kapag siya ay may sarili ng space sa kanilang opisina—ibig sabihin kung may position na siya—at kung mayroon na akong certain achievement and credential sa buhay, I think that’s high time.”

Samantala, binalikan din ni Robi kung paano nagsimula ang relasyon nila ng non-showbiz girlfriend. Ibinahagi ni Robi na matagal na umano silang magkakilala ni Maiqui dahil batchmate niya ito sa Ateneo de Manila University.

Pagkatapos nilang grumaduate, ay nagkita raw muli sila taong 2017 sa isang Christmas event kung saan ay nagkamustahan sila ni Maiqui.

Nang hiningi umano niya ang cellphone number ni Maiqui ay wala sa isip ni Robi na magiging karelasyon niya ito.

Ikwenento rin ni Robi na sa kanyang bagong relasyon ay napagtanto niyang mas naging mature siya. Aniya, “It takes a great amount of maturity eh. Totoo pala ‘yun na before ‘yung mga away na very petty lang, very small hindi na magma-matter ‘yan in a long run kasi na-experience n’yo na eh and alam n’yo na kung paano i-handle ‘yung relationship na gusto n’yo na pangmatagalan.”

Inamin din ni Robi na noong mga panahon na dumating si Maiqui sa kanyang buhay ay dumadaan daw siya sa isang mahirap na yugto ng kanyang buhay. Noong dumating umano si Maiqui ay binigyan nito ng direksiyon ang kanyang buhay.

Iyon ang dahilan kung bakit ngayon labis ang pagpapasalamat ni Robi kay Maiqui. Mensahe ni Robi sa nobya, “Maiqs, I just want to thank you for bringing me into this type of direction and for making me the best version of myself. I will be here for you and I hope and pray to be with you.”

Sa ngayon, ay dalawang taon nang magkasintahan sina Robi at Maiqui. Matatandaan namang bago naging sila ni Maiqui, ay matagal munang nagging girlfriend ni Robi si dating Ateneo Blue Eagles star Gretchen Ho na ngayon ay isa na ring TV presenter.