Roxanne Barcelo, ginulat ang marami nang ibalitang ikinasal na sila ng kanyang non-showbiz boyfriend

Happily married na ang actress-singer na si Roxanne Barcelo. Nitong December 25, araw ng pasko, ibinunyag ni Roxanne sa kanyang vlog na pinamagatan niyang “12 Updates for Christmas” na ngayong taon ay nagkaroon siya ng bagong nobyo, na-engage at nagpakasal.

Credit: Roxanne Barcelo Instagram  

Excited na ikwenento ni Roxanne sa kanyang vlog ang mga ‘highlight’ ng kanyang taon. Isa na nga rito ang pagkakaroon niya ng nobyo.

Ibinahagi ni Roxanne na sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, tumulong ang kanyang ‘partner’ para ilikas ang kanyang nanay mula sa kanilang bahay na nalubog sa baha.

Kwento ni Roxanne, “Sinundo si Nanay from the house. Apparently, ang nangyari pala binuhat siya ng partner ko palabas ng balur.”

Patuloy ni Roxanne, “And then saka siya sinakay sa jet ski. Hindi siya nadaplisan ng tubig. Hindi siya naglakad sa burak. Talagang, binuhat siya at sinakay sa jet ski.”

Credit: Roxanne Barcelo Instagram

Ayon kay Roxanne, masayang-masaya siya dahil maunawain ang kanyang ‘partner’ at ‘love na love’ pa ng kanyang magulang.

Aniya, “I’m so happy that my partner is on another level of understanding with my nanay. Kasi si Nanay, parang love na love siya. Dun ko nakita, kapag ang partner mo gusto ng parents mo, iba yung flow. Iba yung saya ng buhay.”

Matapos sabihin na mayroon siyang kasintahan, sunod namang ibinunyag ni Roxanne na siya ay engaged na.

“I said yes! I got engaged!,” ani Roxanne.

Dagdag niya, “My partner asked me to marry him and he said he wants to start a family with me.”

Credit: Roxanne Barcelo Instagram

Kwento ni Roxanne, dalawang beses umano siyang inalok ng kasal ng kanyang nobyo ngayong taon.

Aniya, “It was a beautiful moment because he asked me twice. He actually asked me a few months after quarantine, pero since naka-lockdown pa no’n, all we knew was we were going to get married before the year ends.”

Dagdag niya, “Totoo pala yung when you know, you know. I knew from the start na siya na yung para sa akin.”

At sa pagtatapos nga ng kanyang vlog, masayang ibinahagi ni Roxanne na siya ngayon ay ‘officially married’ na.

Credit: Roxanne Barcelo Instagram

“I got married. Roxanne is officially married, I am taken. Like I said in my vlogs before, he is worth the wait. And guess what, so am I,” lahad ni Roxanne.

Hindi naman ibinahagi ni Roxanne ang petsa ng kanilang kasal.

Samantala, ipinost naman ni Roxanne sa kanyang Instagram account ang wedding photo nila ng kanyang asawa kuha mula sa kanilang kasal.

Sa mga larawan, hindi kita ang mukha ng lalaking pinakasalan ni Roxanne. Gayunman, sinabi ni Roxanne na itinuturing niya ang kanyang napangasawa bilang ang pinakamagandang regalo na kanyang natanggap mula sa Diyos.